Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

162/376

Ang Daan ng Masunurin Ay Kahabagan at Katotohanan, Hunyo 5

Lahat ng landas ng PANGINOON ay wagas na pag-ibig at katapatan, para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan. Awit 25:10. KDB 167.1

Dapat na tuparin ng bayan ng Diyos ang Kanyang mga utos, na isinasantabi ang lahat ng makamundong alituntunin. Sa kanilang pagtanggap sa mga tamang prinsipyo ng pagkilos, dapat silang magbigay-galang sa mga prinsipyong ito; dahil sila'y galing sa langit. Higit na mahalaga sa iyo ang pagsunod sa Diyos kaysa sa ginto o pilak. Ang pakikipamatok kay Cristo, ang pagkatuto ng Kanyang kaamuan at pagpapakumbaba ay nag-aalis ng maraming labanan; dahil kapag dumarating ang kaaway na parang baha, nagtataas ang Espiritu ng Diyos ng pamantayan laban sa kanya.—Testimonies for the Church, vol. 8, p. 95. KDB 167.2

Nasa ilalim ng kontrol ng Diyos ang materyal na sanlibutan. Sinusunod ng kalikasan ang mga batas ng kalikasan. Binibigkas at ikinikilos ng lahat ang kalooban ng Maylalang. Ang ulap at sikat ng araw, hamog at ulan, hangin at bagyo, lahat ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos, at nagbibigay ng hayag na pagsunod sa Kanyang utos. Lumalabas mula sa lupa ang taluktok ng binhi sa pagsunod sa kautusan ng Diyos. . . . Pinalalago ng Diyos ang mga ito sa kanilang tamang panahon dahil hindi nila nilalabanan ang Kanyang paggawa. At maaari bang ang tao lamang na nilikha sa wangis ng Diyos, na binigyan ng karunungan at kakayahang magsalita ang hindi kumilala sa Kanyang mga kaloob at masuwayin sa Kanyang kalooban? Tangi bang ang mga nilalang na may pag-iisip ang magdudulot ng kalituhan sa ating sanlibutan?— Christ’s Object Lessons, pp. 81, 82. KDB 167.3

Pagsubok ng pagiging alagad ang pagsunod. Ang pagtupad sa mga utos ang nagpapatunay sa katapatan ng ating pag-angkin ng pag-ibig. Kapag pinatay ng doktrinang ating tinanggap ang kasalanan sa puso, pinapadalisay ang kaluluwa mula sa karumihan, nagbubunga ng kabanalan, makikilala natin na ito'y katotohanan ng Diyos. . . . Kapag nasa puso natin ang paggawa ng tama; kapag itinataas natin si Cristo, at hindi ang ating sarili, makikilala natin na nasa tamang kaayusan ang ating pananampalataya.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 146. KDB 167.4