Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

160/376

Pagkapanganak na Muli, ang Gawain ng Banal na Espiritu, Hunyo 3

Sumagot si Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu. Juan 3:5, 6. KDB 165.1

Walang imbensyon ng tao ang makasusumpong ng kagamutan para sa kaluluwang nagkakasala. . . . Kailangang dalisayin ang bukal ng puso bago maging dalisay ang mga daloy. Siyang nagsisikap na makarating sa langit sa pamamagitan ng kanyang mga sariling gawa sa pagsunod sa utos, ay sumusubok ng imposible. Walang kaligtasan para sa kanya na mayroon lamang legal na relihiyon, isang anyo ng kabanalan. Ang buhay Cristiano ay hindi pagbabago o pagpapaunlad ng luma, kundi pagbabago ng likas. May kamatayan sa sarili at kasalanan, at isang lubos na bagong buhay. Sa pamamagitan lamang ng mabisang paggawa ng Banal na Espiritu maisasagawa ang pagbabagong ito. . . . KDB 165.2

Naririnig ang hangin sa gitna ng mga sanga ng mga puno, pumapagaspas sa mga dahon at mga bulaklak; ito'y di-nakikita, at hindi nalalaman ninuman kung saan ito nagmula, o kung saan ito patungo. Gayon din sa gawain ng Banal na Espiritu sa puso. Hindi ito maipaliwanag kung paanong hindi rin maipaliwanag ang mga pagkilos ng hangin. Maaaring hindi masabi ng isang tao ang tiyak na panahon o lugar, o bakasin ang lahat ng mga pangyayari sa proseso ng pagkahikayat; ngunit hindi nito pinatutunayang siya'y hindi nahikayat. Sa pamamagitan ng ahensyang hindi nakikita tulad ng hangin, patuloy na gumagawa si Cristo sa puso. Unti-unti, marahil hindi namamalayan ng tumatanggap, may nabibigay na mga impresyon na nagpapalapit ng kaluluwa kay Cristo. Maaaring tanggapin ang mga ito sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa Kanya, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kasulatan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng Salita mula sa buhay na mangangaral. Sa pagdating ng Espiritu na may direktang pagsusumamo, biglang nalulugod na magpasakop ang sarili kay Jesus. . . . Maaari nating malaman dito ang pasimula ng pagtubos sa pamamagitan ng personal na karanasan.— The Desire of Ages, pp. 172, 173. KDB 165.3