Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Tayo'y Ipinanganak na Muli sa Pamamagitan ng Salita, Hunyo 2
Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 1 Pedro 1:23. KDB 164.1
Ang kabataang nakahahanap ng kasiyahan at kaligayahan sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at sa oras ng pananalangin ay patuloy na pinananariwa sa pamamagitan ng pag-inom mula sa Bukal ng buhay. Makakamit niya ang kataasan ng moralidad at kalawakan ng pag-iisip na hindi makakayang isipin ng iba. Umaakay ng mga mabubuting kaisipan, mararangal na adhikain, malinaw na pagkaunawa sa katotohanan, at mataas na layunin sa pagkilos ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Silang nag-uugnay ng kanilang mga kaluluwa sa Diyos sa ganitong paraan ay kinikilala Niya bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae. Patuloy silang umaabot nang pataas nang pataas, na nagkakamit ng higit na malinaw na pananaw sa Diyos at sa walang hanggan, hanggang gawin sila ng Diyos na mga daluyan ng liwanag at karunungan sa sanlibutan.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 624. KDB 164.2
Ang pagbabago ng puso na sa pamamagitan nito'y tayo'y magiging mga anak ng Diyos ay tinatawag sa Biblia bilang pagkapanganak. Muli, ikinukumpara ito sa pagtubo ng mabuting binhi na inihasik ng magsasaka. Sa gayong paraan, silang bago pa lamang na nahikayat kay Cristo ay, gaya ng mga “sanggol na bagong panganak,” na “dapat lumaki” hanggang maging mga lalaki at babae kay Cristo Jesus. . . . Nakukuha ang mga ilustrasyon mula sa buhay sa kalikasan upang makatulong sa ating mas maunawaan ang mga mahiwagang katotohanan ng espirituwal na buhay.— steps to Christ, p. 67. KDB 164.3
Kung isasakabuhayan natin ang tunay na buhay Cristiano, dapat na mapasigla ang konsyensya sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa Salita ng Diyos. Ang lahat ng mahahalagang bagay na ibinigay sa atin ng Diyos sa napakalaking halaga ay hindi makabubuti sa atin; hindi tayo mapalalakas ng mga ito at magdudulot ng paglagong espirituwal malibang ating tanggapin ang mga ito. Kailangan nating kainin ang Salita ng Diyos—gawin itong bahagi ng ating sarili.— Testimonies for the Church, vol. 7, p. 195. KDB 164.4