Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Nabago Tayo Tungo sa Kanyang Wangis, Hunyo 1
At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu. 2 Corinto 3:18. KDB 163.1
Inialok sa mga kabataan ang isang mahalagang perlas. Maaari nilang ipagbili ang lahat at bilhin ang perlas na ito, o maaari nila itong tanggihan, sa kanilang walang-hanggang kawalan. Ang langit ay maaaring makamit ng lahat ng tatalima sa mga kondisyong nakalagay sa Salita ng Diyos. Naging masunurin hanggang sa kamatayan ang ating Manunubos; ibinigay Niya ang Kanyang sarili bilang isang alay para sa kasalanan. . . . Mga kaibigang kabataan, maaari kayong bumuo ng mga taimtim na layunin sa inyong sariling lakas, maaari ninyong ipagmapuri sa inyong sarili na masusunod ninyo ang matuwid na lakad na hindi ibinibigay ang puso sa kumukontrol na impluwensiya ng Espiritu ng Diyos; ngunit hindi kayo napasasaya sa pamamagitan nito. Kailangan ng pagbabago ang inyong nababalisang espiritu, at nauuhaw para sa kaluguran sa kaaliwan at katuwaan at sa pakikisama sa inyong mga kasamang kabataan. Gumagawa kayo para sa inyong sarili ng mga sisidlang walang lamang tubig. . . . Matatagpuan lamang ang kasiyahan sa pagsisisi sa Diyos, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo; dahil ang inyong puso'y puno ng pag-aalsa; nakikita ito sa inyong mga salita. Ang inyong mga makasariling pananalangin at relihiyosong porma ay maaaring nakagiginhawa sa konsensya, ngunit pinasasama lamang nila ang inyong kapahamakan. Hindi napanibago ang inyong likas. . . . KDB 163.2
Ang pagsuko ng puso kay Jesus ay sumusupil sa rebelde upang magsisi, at ang wika ng kaluluwang masunurin ay, “Ang mga lumang bagay ay lumipas na. . . .” Ito ang tunay na relihiyon ng Biblia. Ang lahat ng bagay na di-nakaabot dito ay panlilinlang.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 625. KDB 163.3