Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

155/376

Tapat ang sa Inyo'y Tumatawag, Mayo 30

Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito. 1 Tesalonica 5:24. KDB 160.1

Kailanman ay walang inihandog na panalangin, gaano man kahina, kailanman ay walang pumatak na luha, gaano man kalihim, kailanman ay walang taimtim na pagnanasa sa Diyos, gaano man karupok, na hindi sinasalubong ng Espiritu ng Diyos. Bago pa man masambit ang panalangin, o maibulalas ang pagnanais ng puso, lumalabas mula kay Cristo ang biyaya upang salubungin ang biyayang gumagawa sa kaluluwa ng tao. KDB 160.2

Kukunin sa iyo ng iyong Ama sa langit ang mga kasuotang narumihan ng kasalanan. Sa maganda at matalinghagang hula ni Zacarias, kumakatawan sa makasalanan ang dakilang saserdote na si Josue na nakatayong may maruming kasuotan sa harapan ng anghel ng Panginoon. At binigkas ng Panginoon ang salita, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan.” Sinabi ng anghel kay Josue, “Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan. . . .” Sa gayunding paraan dadamitan ka ng Diyos ng “mga damit ng kaligtasan,” at tatakpan ka ng “balabal ng katuwiran.” . . . Dadalhin ka Niya sa Kanyang bahay ng piging, at ang watawat Niya sa akin ay pagmamahal.— Christ’s object Lessons, p. 206. KDB 160.3

Kailangang gawing paisa-isa ang mga hakbang paakyat sa langit; bawat hakbang pasulong ay pinalalakas tayo para sa susunod. Ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng biyaya ng Diyos sa puso ng tao ay isang gawaing kaunti lamang ang nakauunawa, dahil labis silang tamad upang isagawa ang kinakailangang gawin.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 444. KDB 160.4

O, ang mapagpahinuhod na kahabagan ng Diyos! Noong itinakwil ng Kanyang bayan ang mga kasalanang humadlang sa Kanyang presensya, pinakinggan Niya ang kanilang mga panalangin, at agad na nagsimulang gumawa para sa kanila.— Patriarchs and Prophets, p. 558. KDB 160.5