Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

154/376

Siya'y Itinaas ng Diyos, Mayo 29

Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi, at ng kapatawaran ng mga kasalanan. Gawa 5:31. KDB 159.1

Paano magiging matuwid ang tao sa harapan ng Diyos? Paano aariing ganap ang makasalanan? Sa pamamagitan lamang ni Cristo na tayo'y madadala sa pakikipagkasundo sa Diyos na may kabanalan; ngunit paano tayo lalapit kay Cristo? . . . Kasama sa pagsisisi ang kalumbayan para sa kasalanan, at pagtalikod dito. Hindi natin itatakwil ang kasalanan malibang makita natin ang kasamaan nito; hanggang hindi tayo tumatalikod dito nang lubusan, hindi magkakaroon ng tunay na pagbabago sa buhay. KDB 159.2

Marami ang bigong makaunawa sa tunay na likas ng pagsisisi. Napakarami ang nalulungkot na sila'y nagkasala, at gumagawa pa ng panlabas na pagbabago dahil nangangamba silang magdudulot sa kanila ng kahirapan ang kamaliang kanilang ginawa. Ngunit hindi ito ang pagsisisi sa diwa ng Biblia. Nananaghoy sila dahil sa pagdurusa, imbes na sa kasalanan. Gayon ang pagdadalamhati ni Esau noong makita niya na nawala nang tuluyan ang kanyang pagkapanganay. Kinilala ni Balaam ang kanyang pagkakasala sa takot sa anghel na nakatayo sa kanyang dadaanan na nakabunot ang tabak na baka kunin ang kanyang buhay; ngunit walang tunay na pagsisisi para sa kasalanan, walang pagbabago ng layunin, walang pagkamuhi sa kasamaan. Matapos na ipagkanulo ang kanyang Panginoon, sinabi ni Judas, “Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala.” . . . Pinuno siya ng takot sa mga kahihinatnan na maaaring maging resulta ng kanyang ginawa, ngunit walang malalim na pagdadalamhati na dumurog sa kanyang puso, na ipinagkanulo niya ang walang-kapintasang Anak ng Diyos. . . . Lahat sila'y nanaghoy sa mga resulta ng pagkakasala, ngunit hindi namanglaw para sa mismong kasalanan. Ngunit kapag nagpapasakop ang puso sa impluwensiya ng Espiritu ng Diyos, magigising ang konsyensya at makikilala ng makasalanan ang kalaliman at kabanalan ng banal na kautusan ng Diyos, ang pundasyon ng Kanyang pamahalaan sa langit at sa lupa.— Steps to Christ, pp. 23, 24. KDB 159.3