Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

156/376

Ang Diyos Ay Nagpaparusa sa Atin Nang Kaunti Kaysa Nararapat, Mayo 31

At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi. Ezra 9:13. KDB 161.1

Ang pagtitiis na ipinakita ng Diyos sa mga masasama, ay pinalakas ang kanilang loob sa paglabag; ngunit hindi nabawasan ang katiyakan at pagiging kakilakilabot ng kanilang kaparusahan kahit ito'y naantala nang matagal. . . . Samantalang hindi Siya nalulugod sa paghihiganti, isasagawa Niya ang paghatol sa mga lumabag sa Kanyang kautusan. Napipilitan Siyang gawin ito, upang mapanatili ang mga naninirahan sa lupa mula sa ganap na katampalasanan at pagkawasak. Upang mailigtas ang ilan, kailangan Niyang ihiwalay yaong nagmatigas sa kasalanan. “Ang Panginoon ay banayad sa pagkagalit, at dakila sa kapangyarihan, at sa anumang paraan ay hindi aariing walang sala ang salarin.” Sa pamamagitan ng kakilakilabot na mga bagay sa katuwiran, Kanyang ipagbabangong-puri ang kapangyarihan ng Kanyang inaping kautusan. Ang Kanyang pag-aatubiling magpatupad ng katarungan ay nagpapatotoo sa kalakihan ng mga kasalanang humihingi ng Kanyang kahatulan, at sa kalupitan ng ganting naghihintay para sa makasalanan.— Patriarchs and Prophets, p. 628. KDB 161.2

Gaya noong unang panahon, nagsusumamo Siya sa mga makasalanang nag- aangkin sa Kanyang pangalan na magsisi at tumalikod sa kanilang masasamang gawa. Ngayon, katulad din noon, inihuhula Niya ang mga panganib na nasa kanilang harapan sa pamamagitan ng bibig ng Kanyang mga piniling lingkod. Pinatutunog Niya ang babala, at sinasaway ang pagkakasala na kasing tapat ng Kanyang ginawa noong mga kapanahunan ni Jeremias. Ngunit ang Israel sa ating kapanahunan ay mayroon ding mga katulad na tukso na hamakin ang pagsaway at kamuhian ang payo na tulad ng matandang Israel. Sila rin ay madalas na nagbibingi-bingihan sa mga salitang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga lingkod para sa kabutihan nilang nag-aangkin ng katotohanan. Bagaman pansamantalang pinipigil ng Panginoon ang ganti sa kanilang kasalanan, . . . Hindi Niya magpakailanman pipigilan ang Kanyang kamay, kundi dadalawin ang kasalanan sa pamamagitan ng mga matuwid na paghatol.— Testimonies for the Church, vol. 4, p. 165. KDB 161.3