Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Sino ang Diyos na Gaya Mo?, Mayo 28
Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana? Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman, sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig. Mikas 7:18. KDB 158.1
Maaari nating isipin na nakatayo nang ligtas ang ating mga paa, at hindi na tayo makikilos. Maaari nating sabihin na may kompiyansa, “Nakikilala ko Siya na aking sinampalatayanan; walang makayayanig sa aking pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Salita.” Ngunit nagpapanukala si Satanas na samantalahin ang ating mga minana at iniingatang pag-uugali, at bulagin ang ating mga mata sa sarili nating pangangailangan at kahinaan. Makalalakad lamang tayong matiwasay sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili nating kahinaan, at matatag na pagtingin kay Jesus.—The Desire of Ages, p. 382. KDB 158.2
Sa kahabagan sa sanlibutan, nilipol ng Diyos ang masasamang naninirahan dito noong kapanahunan ni Noe. Sa kahabagan, winasak Niya ang mga tiwaling taga-Sodoma. Sa pamamagitan ng mapandayang kapangyarihan ni Satanas, tumatanggap ng simpatya at paghanga ang mga manggagawa ng kasamaan, at sa gayo'y patuloy na nadadala ang iba sa paghihimagsik. Gayon noong panahon ni Cain at ni Noe, at sa panahon ni Abraham at ni Lot; gayon din sa ating kapanahunan. Sa kahabagan sa sansinukob, wawasakin ng Diyos sa huli silang nagtatakuwil sa Kanyang biyaya.— Ibid., p. 543. KDB 158.3
Huwag kayong makinig sa mungkahi ng kaaway na lumayo kay Cristo hanggang mapabuti mo ang iyong sarili; hanggang may sapat ka ng kabutihan upang makalapit sa Diyos. Kung maghihintay ka hanggang sa panahong iyon, hindi ka kailanman makalalapit. . . . Magbangon ka at lumapit sa iyong Ama. Sa malayo pa lang ay sasalubungin ka na Niya. Kung hahakbang ka kahit isa lang patungo sa Kanya sa pagsisisi, magmamadali Siyang balutin ka sa Kanyang mga bisig ng walang-hanggang pagmamahal. Bukas ang Kanyang mga tainga sa iyak ng kaluluwang nagsisisi. Alam ng Diyos ang pinakaunang pag-abot ng puso sa Kanya.— Christ’s Object Lessons, pp. 205, 206. KDB 158.4