Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

152/376

Ang Kaligtasan Ay sa Pamamagitan ng Biyaya ng Diyos, Mayo 27

Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao. Tito 2:11. KDB 157.1

Ipinakita ni Jesus ang saro ng pagpapala sa kanilang nakadamang sila'y “mayaman, at naging mariwasa at hindi nangangailangan ng anuman,” at tinalikuran nilang may paghamak ang mabiyayang kaloob. Siyang nakadarama ng pagiging buo, na nag-iisip na siya'y sapat sa kabaitan, at kuntento sa kanyang kalagayan, ay hindi naghahangad na maging kabahagi ng biyaya at katuwiran ni Cristo. Hindi nakadarama ng pangangailangan ang pagmamataas, kaya't isinasara nito ang puso kay Cristo at sa walang-hanggang biyayang Kanyang dala upang ibigay. Walang lugar para kay Jesus sa puso ng ganitong tao. Silang mayayaman at may karangalan sa sarili nilang mga mata ay hindi humihingi sa pananampalataya, at hindi tumatanggap sa biyaya ng Diyos. Sa pakiramdam nila'y puno sila, kaya't umaalis silang walang laman. Silang nakababatid na hindi nila kayang iligtas ang kanilang sarili, o gumawa ng anumang matuwid na pagkilos, ay silang nakakikilala sa tulong na maaaring ibigay ni Cristo. Sila'y dukha sa espiritu, na ipinahahayag Niya bilang mapalad. KDB 157.2

Silang pinatatawad ni Cristo, ay Kanya munang gagawing nagsisisi, at gawain ng Banal na Espiritu na sumbatan sa pagkakasala. Silang kinilos ng Espiritu ng Diyos ang mga puso ay nakikita nilang walang mabuti sa kanilang sarili. Nakikita nila na ang lahat ng kanilang ginawa ay nahaluan ng sarili at kasalanan. Tulad ng kaawa-awang publikano, tumatayo sila sa malayo, na hindi nangangahas na magtaas ng kanilang paningin sa langit, at umiiyak, “Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.” At sila'y pinagpapala. Mayroong kapatawaran para sa nagsisisi; dahil si Cristo ay “ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” . . . Ang lahat ng may pagkadama ng malalim na karukhaan ng kaluluwa, na nakadaramang wala silang kabutihan sa kanilang sarili, ay makahahanap ng katuwiran at kalakasan sa pamamagitan ng pagtingin kay Jesus.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 7. KDB 157.3