Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Si Cristo ang Tiyak na Pundasyon, Mayo 26
Sapagkat ito ang isinasaad ng kasulatan: Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato, isang batong panulok na pinili at mahalaga; at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya. 1 Pedro 2:6. KDB 156.1
Sa walang-hanggang karunungan, pinili ng Diyos ang pundasyong bato, at Siya mismo ang naglatag. Tinawag Niya itong “isang tiyak na pundasyon.” Maaaring ilagak dito ng buong sanlibutan ang kanilang mga pasanin at kahirapan; madadala nito ang lahat ng mga ito. Maaari silang magtayo sa ibabaw nito na natitiyak ang kaligtasan. Si Cristo ay isang “subok na bato.” Hindi Niya kailanman bibiguin silang nagtitiwala sa Kanya. Pinagtagumpayan Niya ang bawat pagsubok. Tiniis Niya ang bigat ng paglabag ni Adan, at ang kasalanan ng kanyang lahi, at lumabas na higit pa sa mapagtagumpay sa mga kapangyarihan ng kasamaan. Dinala Niya ang mga pasan na ibinigay sa Kanya ng bawat makasalanang nagsisisi. Kay Cristo, nakatagpo ng kaginhawahan ang pusong makasalanan. Siya ang tiyak na pundasyon. Lahat ng nagtitiwala sa Kanya ay nananahan sa ganap na katiwasayan. . . . Sa kanilang nananampalataya, si Cristo ang tiyak na pundasyon. Sila yaong mga nahulog sa ibabaw ng Bato at nabasag. Inilalarawan dito ang pagpapasakop kay Cristo at pananampalataya sa Kanya. Ang mahulog sa ibabaw ng Bato at mabasag ay nangangahulugang pagsuko sa ating pagkamatuwid-sa-sarili, at paglapit kay Cristo na may pagpapakumbaba ng isang bata, na nagsisisi sa ating mga kasalanan, at naniniwala sa Kanyang nagpapatawad na pag-ibig. At gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod nagtatayo tayo sa ibabaw ni Cristo bilang ating pundasyon. KDB 156.2
Sa ibabaw ng buhay na batong ito, maaaring magtayo ang parehong mga Judio at mga Hentil. Ito ang tanging pundasyong maaari nating tayuan na may kaligtasan. Sapat ang kalaparan nito para sa lahat, at sapat ang lakas upang dalhin ang bigat at pasanin ng buong sanlibutan. At sa pamamagitan ng pagkakaugnay kay Cristo, ang buhay na bato, nagiging mga batong buhay ang lahat ng nagtatayo sa ibabaw ng pundasyong ito. Maraming mga taong natatabasan, napakikinis, at napagaganda dahil sa sarili nilang pagsisikap; ngunit hindi sila magiging mga “batong buhay” dahil hindi sila nakaugnay kay Cristo.— The Desire of Ages, pp. 598, 599. KDB 156.3