Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Mamatay Tayo sa Ating mga Kasalanan, Mayo 25
Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo. 1 Pedro 2:24. KDB 155.1
Ang isang bagay na mahalaga para sa atin upang ating tanggapin at maibahagi ang nagpapatawad na pag-ibig ng Diyos ay ang makilala at sampalatayanan ang pag-ibig na mayroon Siya para sa atin. Gumagawa si Satanas sa pamamagitan ng bawat pandarayang magagamit niya, upang hindi natin makita ang pag-ibig na iyon. Aakayin niya tayong isipin na ang ating mga pagkakamali at paglabag ay labis na masama na anupa't hindi pakikinggan ng Panginoon ang ating mga panalangin, at hindi tayo pagpapalain at ililigtas. Sa ating sarili, wala tayong nakikita kundi kahinaan, walang bagay na magmumungkahi sa atin sa Diyos, at sinasabi ni Satanas sa atin na walang kabuluhan; hindi na natin maisasaayos ang mga depekto ng ating karakter. Kapag nagsisikap tayong lumapit sa Diyos, bubulong ang kaaway, “Wala ng kabuluhan para sa iyo ang manalangin; hindi ba ginawa mo ang masamang bagay na iyon? Hindi ba nagkasala ka sa Diyos, at nilabag ang sarili mong konsyensya?” Ngunit maaari nating sabihin sa kaaway na “ang dugo ni Jesus na Kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan.” Kapag nararamdaman nating nagkasala tayo, at hindi tayo makapanalangin, panahon iyon para manalangin. Maaaring nahihiya tayo, at nakalugmok; ngunit kailangan nating manalangin, at maniwala. . . . Dumarating sa atin ang kapatawaran, pakikipagkasundo sa Diyos, hindi bilang isang gantimpala para sa mga gawa natin, hindi ito ibinibigay dahil sa kabutihan ng mga makasalanang tao, kundi isang kaloob para sa atin, na nasa walang dungis na katuwiran ni Cristo ang saligan sa pagbibigay nito. KDB 155.2
Hindi natin dapat sikaping paliitin ang ating paglabag sa pamamagitan ng pagdadahilan sa kasalanan. Dapat nating tanggapin ang pagsukat ng Diyos sa kasalanan, at ito'y tunay na napakabigat. Ang Kalbaryo lamang ang makapaghahayag ng matinding kasamaan ng kasalanan. Kung ating papasanin ang ating kasalanan, dudurugin tayo nito. Ngunit kinuha ng Isang hindi nagkasala ang ating lugar; bagaman di-karapat-dapat, dinala Niya ang ating pagkakasala.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 115, 116. KDB 155.3