Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kung ang Aking Bayan Ay Hanapin Ako, Akin Silang Pakikinggan, Mayo 24
At kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain. 2 Cronica 7:14. KDB 154.1
Walang nag-angkin sa mga apostol o mga propeta na sila'y walang kasalanan. Ang mga taong namuhay na pinakamalapit sa Diyos, mga taong nakahandang isakripisyo ang kanilang sarili kaysa sadyaing gumawa ng kamalian, mga taong pinarangalan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na liwanag at kapangyarihan, ay nangumpisal ng pagkamakasalanan ng kanilang likas. Hindi sila nagbigay ng pagtitiwala sa laman, hindi sila nag- angkin ng sarili nilang katuwiran, kundi ganap na nagtiwala sa katuwiran ni Cristo. Magiging ganito rin para sa lahat ng tumitingin kay Cristo. . . . KDB 154.2
Kailangan nating iwasan lahat ng mag-uudyok ng pagmamataas at kasiyahan sa sarili; kaya't kailangan nating maging maingat sa pagbibigay o pagtanggap ng panghihibo o papuri. Gawain ni Satanas ang panghihibo. Nakikitungo siya sa pamamagitan ng panghihibo at gayundin sa pamamagitan ng pagpaparatang at pagkondena. Sa ganitong paraan ay isinasagawa niya ang pagkawasak ng kaluluwa. Ginagamit ni Satanas bilang kanyang mga kampon silang nagbibigay papuri sa mga tao. Hayaang ituon ng bawat manggagawa ni Cristo ang bawat salita ng papuri palayo sa kanilang mga sarili. Hayaang mawala sa paningin ang sarili. Tanging si Cristo ang dapat na maitaas. “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo,” hayaang maituon ang bawat paningin, at papuri mula sa bawat puso'y ipataas. KDB 154.3
Ang buhay kung saan iniingatan ang pagkatakot sa Panginoon ay hindi magiging buhay ng kalungkutan at lumbay. Ang kawalan ng Cristo ang siyang nagpapalungkot sa mukha, at nagdudulot sa buhay ng paglalakbay ng buntong- hininga. Silang napupuno ng pagpapahalaga sa sarili at pagmamahal sa sarili ay hindi nakadarama ng pangangailangan ng buhay at personal na pakikiisa kay Cristo. . . . Ngunit bukal ng kasiyahan kung si Cristo ay nananahan sa kaluluwa. Para sa lahat ng tumatanggap sa Kanya, ang pinakatemang pahayag ng Salita ng Diyos ay pagdiriwang.— Christ’s object Lessons, pp. 160-162. KDB 154.4