Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Pagagalingin at Bebendahan Tayo ng Panginoon, Mayo 23
Halikayo at tayo'y manumbalik sa PANGINOON; sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo; sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan. Hoseas 6:1. KDB 153.1
Ang pag-ibig na ikinakalat ni Cristo sa buong pagkatao ay isang nagbibigay- buhay na kapangyarihan. Hinihipo nito ang bawat mahalagang bahagi na may pagpapagaling—ang utak, ang puso, ang mga nerve. Sa pamamagitan nito, ginigising ang pinakamataas na enerhiya ng pagkatao upang kumilos. Pinalalaya nito ang kaluluwa mula sa kasalanan at kalumbayan, mula sa pagkabalisa at pag-aalala, na dumudurog sa kalakasan ng buhay. Dumarating kasama nito ang kapayapaan at hinahon. Itinatanim nito sa kaluluwa ang kasiyahan na hindi kayang sirain ng anumang bagay na makalupa—kasiyahan sa Banal na Espiritu— kasiyahang nagbibigay-kalusugan, nagbibigay-buhay. . . . Bagaman nagdulot ang mga tao ng pagdurusa sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang masasamang gawa, nagmamalasakit Siyang may awa sa kanila. Makahahanap sila sa Kanya ng tulong. Gagawa Siya ng mga dakilang bagay para sa kanila na nagtitiwala sa Kanya. KDB 153.2
Bagaman pinalalakas ng kasalanan ang pagkakahawak nito sa sangkatauhan sa loob ng mahabang panahon, bagaman sa pamamagitan ng kasinungalingan si Satanas ay naghasik ng maitim na anino ng kanyang interpretasyon sa Salita ng Diyos, at inakay ang mga tao na pag-alinlanganan ang Kanyang kabutihan; ngunit hindi tumigil ang pag-agos ng kahabagan at pagmamahal ng Ama sa mayayamang daloy patungo sa lupa. Kung bubuksan ng mga tao ang bintana ng kaluluwa tungo sa kalangitan, sa pagpapasalamat sa mga banal na kaloob, isang baha ng nagpapagaling na kabutihan ang bubuhos.— The Ministry of Healing, pp. 115, 116. KDB 153.3
Si Jesus ang tagapagpagaling ng katawan at gayundin ng kaluluwa. May pagmamalasakit Siya sa bawat yugto ng pagdurusa na Kanyang napapansin, at sa bawat nagdurusa ay nagdulot Siya ng kaalwanan, nagbibigay ginhawa ang Kanyang mabubuting salita. Walang makapagsasabing nakagawa Siya ng isang himala; ngunit ang kagalingan—ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pag-ibig—ay lumabas mula sa Kanya patungo sa mga may karamdaman at napipighati. Sa ganitong paraan ay gumawa Siya para sa mga tao mula pa sa Kanyang pagkabata.— The Desire of Ages, p. 92. KDB 153.4