Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

147/376

Kilalanin Mo Lamang ang Iyong Kasamaan, Mayo 22

Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo, Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng PANGINOON. Hindi ako titingin na may galit sa inyo, sapagkat ako'y maawain, sabi ng PANGINOON; hindi ako magagalit magpakailanman. Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala, na ikaw ay naghimagsik laban sa PANGINOON mong Diyos. Jeremias 3:12, 13. KDB 152.1

Madalas tayong nalulungkot dahil nagdadala ng hindi magagandang bunga sa ating sarili ang masasama nating gawain; ngunit hindi ito pagsisisi. Bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu ang tunay na pagsisisi para sa kasalanan. Ipinahahayag ng Espiritu ang kawalang-utang na loob ng pusong humamak at nagpalungkot sa Tagapagligtas, at dinadala tayong namimighati sa paanan ng krus. Sa pamamagitan ng bawat pagkakasala, nasusugatan muli si Jesus; at habang tumitingin tayo sa Kanya na ating inulos, nagdadalamhati tayo para sa mga kasalanang nagdulot ng paghihirap sa Kanya. Hahantong sa pagtalikod sa kasalanan ang ganitong pagdadalamhati. KDB 152.2

Maaaring sabihin ng taong makasanlibutan na kahinaan ang ganitong kalumbayan, ngunit ito ang kalakasang nagtatali sa taong nagsisisi sa Walang Hanggan na may mga kawing na hindi masisira. Ipinakikita nito na ibinabalik ng mga anghel ng Diyos sa kaluluwa ang mga biyayang nawala sa atin dahil sa katigasan ng puso at paglabag. Mga ambon na nauuna sa sikat ng kabanalan ang mga luha ng nagsisisi. Ibinabalita ng kalungkutang ito ang isang kasiyahan na magiging buhay na bukal sa kaluluwa. . . . Kapag nadala sa pagsubok, hindi dapat tayo mag-alala at umangal. Hindi dapat tayo maghimagsik, o mag- alala palabas sa kamay ni Cristo. Dapat nating gawing mapagpakumbaba ang kaluluwa sa harapan ng Diyos. Malabo ang mga gawi ng Panginoon sa kanya na nagnanasang tingnan ang mga bagay sa isang liwanag na nakalulugod sa kanyang sarili. Tila madilim sila at walang kasiyahan sa ating likas na pagkatao. Ngunit ang mga daan ng Diyos ay daan ng kahabagan, at ang hangganan nito'y kaligtasan.— The Desire of Ages, pp. 300, 301. KDB 152.3