Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pagsisisi ni Pablo, Mayo 20
Si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito. 1 Timoteo 1:15. KDB 150.1
Habang ganap na ipinasakop ni Saulo ang kanyang sarili sa nangungumbinsing kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nakita niya ang mga pagkakamali ng kanyang buhay, at nakilala ang malawak na pag- aangkin ng kautusan ng Diyos. Siya na dating mapagmataas na Fariseo, na nagtitiwalang siya'y aariing-ganap dahil sa kanyang mabubuting gawa, ngayo'y yumuyuko sa harapan ng Diyos na may pagpapakumbaba at kapayakan ng isang maliit na bata, na inaamin ang kanyang sariling pagiging di karapat-dapat, at nagsusumamo ng mga kabutihan ng isang napako at nabuhay na Tagapagligtas. Nagnasa si Saulo na makapasok sa ganap na pagiging angkop at komunyon sa Ama at sa Anak; at sa tindi ng kanyang pagnanasa para sa pagpapatawad at pagtanggap, naghandog siya ng mga taimtim na pagsusumamo sa luklukan ng biyaya. Hindi naging walang kabuluhan ang mga panalangin ng nagsisising Fariseo. Binago ng banal na biyaya ang kaloob-loobang pag-iisip at damdamin ng kanyang puso; at ang kanyang higit na mararangal na mga kakayanan ay nadala sa pagiging kasang-ayon sa mga walang-hanggang layunin ng Diyos. . . . KDB 150.2
Ang pagkahikayat ni Saulo ay kapansin-pansing patunay ng mahimalang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na sumbatan ang mga tao ng kasalanan. Naniniwala siyang isinantabi ni Jesus ng Nazaret ang kautusan ng Diyos, at itinuro sa Kanyang mga alagad na wala na itong bisa. Ngunit pagkatapos ng kanyang pagkahikayat, nakilala ni Saulo si Jesus bilang isang dumating sa sanlibutan na may hayag na layunin na ipagtanggol ang kautusan ng Kanyang Ama. Nakumbinsi siya na si Jesus ang may-akda ng buong sistema ng pag-aalay ng mga Judio.— The Acts of the Apostles, pp. 119, 120. KDB 150.3
Maaari sanang ginawa ni Jesus nang direkta ang lahat ng gawaing ito para kay Pablo, ngunit hindi ito ang Kanyang panukala. May kailangang gawin si Pablo na may kinalaman sa pangungumpisal sa mga taong inisip niyang ipapatay, at may mahalagang gawain ang Diyos para sa mga taong pinili Niyang kumilos para sa Kanya.— Testimonies for the Church, vol. 3, pp. 431, 432. KDB 150.4