Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pagsisisi ni Solomon, Mayo 18
Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat na ginawa ng aking mga kamay, at ang pagpapagal na aking ginugol sa paggawa nito. At muli, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin, at walang mapapakinabang sa ilalim ng araw. Eclesiastes 2:11. KDB 148.1
Nagising na tila mula sa isang panaginip, . . . si Solomon na may nabuhay na konsyensya ay nagsimulang makita ang kanyang kahangalan sa tunay nitong kulay. Naparusahan sa espiritu, nanghihina sa pag-iisip at pangangatawan, bumaling siyang napapagal at nauuhaw mula sa mga basag na sisidlang-tubig ng sanlibutan, upang muling uminom sa bukal ng buhay. Para sa kanya sa wakas nagampanan ng disiplina ng paghihirap ang gawain nito. Matagal na siyang nililigalig ng pangamba ng lubos na pagkawasak dahil sa kawalan ng kakayanang tumalikod mula sa kahangalan; ngunit ngayo'y nakita niya sa mensaheng ibinigay sa kanya ang isang silahis ng pag-asa. Hindi siya lubusang itinakwil ng Diyos, kundi nakahandang iligtas siya mula sa pagkaaliping mas malupit pa kaysa sa kamatayan, at wala siyang kapangyarihang palayain ang kanyang sarili.— Prophets and Kings, pp. 77, 78. KDB 148.2
Puno ng babala ang buhay ni Solomon hindi lamang sa mga kabataan, kundi maging sa mga nakatatanda, at sa kanila na pababa na sa burol ng buhay at nahaharap sa paglubog ng araw. Nakikita natin at naririnig ang tungkol sa kawalan ng katatagan sa kabataan, ang mga kabataan na nag-aalinlangan sa pagitan ng tama at mali, at nagiging labis na malakas para sa kanila ang agos ng masasamang damdamin. Sa mga higit na nakatatanda, hindi tayo naghahanap ng kawalan ng katatagan o kawalan ng katapatan; inaasahan natin na naitatag na ang karakter, na malalim ang pagkakaugat ng mga prinsipyo. Ngunit hindi palaging ganito. . . . Mula sa ganitong mga halimbawa dapat nating matutunan na pagbabantay at pananalangin ang tanging kaligtasan para sa mga bata at matatanda. Wala sa mataas na posisyon at dakilang mga pagkakataon ang kapanatagan. . . . Silang tumutupad sa babala ng pagbagsak ni Solomon ay iiwas sa unang paglapit ng mga kasalanang tumalo sa kanya. Tanging pagsunod sa mga hinihingi ng Kalangitan ang mag-iingat sa tao mula sa pagkahulog.— Ibid., pp. 82, 83. KDB 148.3