Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Pagsisisi ni Nehemias, Mayo 16
Gayunma'y naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin; sapagkat kumilos kanq may katapatan, ngunit kumilos kaming may kasamaan. Nehemias 9:33. KDB 146.1
Napuspos ng kalumbayan, hindi makakain o makainom si Nehemias; “umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag- aayuno.” Sa kanyang paghihinagpis, bumaling siya sa banal na Tagapagbigay ng tulong. . . . Matapat siyang nagsisisi sa kanyang mga kasalanan at sa mga kasalanan ng kanyang bayan. Nagsumamo siya na nawa'y panatilihin ng Diyos ang kabutihan ng Israel, panumbalikin ang kanilang tapang at lakas, at tulungan silang itayo ang mga sirang lugar sa Juda. Habang nananalangin si Nehemias, lumakas ang kanyang pananampalataya at katapangan. Napuno ang kanyang bibig ng mga banal na pangangatwiran. . . . KDB 146.2
Ang manalangin gaya ng pananalangin ni Nehemias sa kanyang oras ng pangangailangan ay maaaring gawin ng Cristiano sa mga pagkakataong ang ibang porma ng pananalangin ay hindi maaaring gawin. Maaaring magpadala ng pagsusumamo sa Diyos para sa banal na paggabay iyong mga manggagawa na nasa gitna ng kaabalahan ng buhay, na nasisiksik at halos madaig na ng pag-aalala. Gayundin, maitatalaga ng mga manlalakbay sa dagat at sa lupa ang kanilang mga sarili sa pag-iingat ng kalangitan kapag nagbabanta ang malagim na panganib. Sa panahon ng biglaang kahirapan o panganib, maaaring magpadala paitaas ang puso ng pagsusumamo nito para sa tulong sa Kanya na ipinangako ang Kanyang sarili na tutulong sa mga tapat Niyang mananampalataya sa tuwing tatawag sila sa Kanya. KDB 146.3
Sa bawat pangyayari, sa ilalim ng bawat kalagayan, maaaring makahanap ng katiyakan, tulong, at pag-aaruga ang kaluluwang nabibigatan dahil sa dalamhati at pag-aalala, o mabangis na sinasalakay ng tukso sa hindi nabibigong pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos na tumutupad ng tipan. . . . KDB 146.4
Dapat na maging aral sa lahat ng mga Cristiano ang halimbawang ito ng matalinong pag-iingat at matatag na pagkilos. Hindi lamang dapat na manalangin ang mga anak ng Diyos sa pananampalataya, kundi gumawa na may masigasig at maarugang pangangalaga.— Prophets and Kings, pp. 629-633. KDB 146.5