Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

140/376

Ang Pagsisisi ni Ezra, Mayo 15

Na sinasabi, O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit. Ezra 9:6. KDB 145.1

Gumawa ng pagsisisi ang kalungkutan ni Ezra at ng kanyang mga kasamahan dahil sa mga kasamaan na gumapang hanggang sa pinakapuso ng gawain ng Panginoon. Lubhang apektado ang marami sa mga nagkasala. . . . Nagsimula nilang mabatid ang sukdulang kasamaan ng kasalanan sa limitadong antas, at ang pagiging kakilakilabot sa kung paano ito ituring ng Diyos. Nakita nila ang kabanalan ng kautusan na binigkas sa Sinai, at marami ang nanginig sa kabatiran ng kanilang mga paglabag. . . . Ito ang pasimula ng kamangha-manghang pagbabago. Taglay ang walang- hanggang pagtitiyaga at pagiging maparaan, at maingat na pagpapahalaga sa mga karapatan at kabutihan ng bawat isang sangkot, nagsikap si Ezra at ang kanyang mga kasamahan na pangunahan ang mga nagsisisi sa Israel patungo sa tamang landas. Higit sa lahat, si Ezra ay isang tagapagturo ng kautusan; at habang nagbibigay siya ng personal na pansin sa pagsusuri sa bawat kaso, ninais niyang idiin sa mga tao ang kabanalan ng kautusang ito, at ang mga pagpapala na maaaring makamit sa pamamagitan ng pagsunod. . . . KDB 145.2

Sa kapanahunang ito, kung kailan nagsisikap si Satanas, sa pamamagitan ng maraming mga pamamaraan upang bulagin ang mga paningin ng mga lalaki at babae sa mga hinihingi ng kautusan ng Diyos, kailangan ang mga taong maaaring maging sanhi upang maging marami ang “nanginginig sa utos ng ating Diyos.” Kinakailangan ang mga tunay na repormador, na gagabay sa mga makasalanan tungo sa dakilang Tagapagbigay ng utos, at turuan silang “ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa.” KDB 145.3

Kailangan ang mga taong maalam sa Kasulatan; mga taong ang bawat salita at pagkilos ay nagtataas sa mga utos ni Jehovah; mga taong nagsisikap na palakasin ang pananampalataya. Kailangan ang mga tagapagturo, O, kailangang- kailangan, na pupukaw sa mga puso sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pag- ibig para sa Kasulatan.— Prophets and Kings, pp. 622-624. KDB 145.4