Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

139/376

Ang Pagsisisi ni Jacob, Mayo 14

Siya'y nakipagbuno sa anghel, at nanaig; siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya. Nakatagpo niya siya sa Bethel, at doo'y nakipag-usap siya sa kanya. Ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo; PANGINOON ang kanyang pangalan! Hoseas 12:4, 5. KDB 144.1

Si Jacob ay “nakipagbuno sa anghel, at nanaig.” Nanagumpay ang maka- salanang taong ito sa Kamahalan ng kalangitan sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagsuko ng sarili. Ikinapit niya ang kanyang nanginginig na kamay sa mga pangako ng Diyos, at hindi matanggihan ng puso ng walang-hanggang Pag-ibig ang pagsusumamo ng makasalanan.—Patriarchs and Prophets, p. 197. KDB 144.2

Ngunit ang kasaysayan ni Jacob ay katiyakan na hindi itatakwil ng Diyos ang mga ipinagkanulo sa pagkakasala, ngunit nagbalik sa Kanya na may tunay na pagsisisi. Nakamit ni Jacob sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng sarili at matatag na pananampalataya, iyong hindi niya nakamit sa pamamagitan ng pakikipaglaban gamit ang kanyang sariling lakas. Tinuruan ng Diyos ang Kanyang lingkod na tanging ang kapangyarihan at biyaya ng Diyos ang makapagbibigay sa kanya ng pagpapalang kanyang ninanasa. Magiging ganito rin para sa kanila na nabubuhay sa mga huling araw. Habang pumapalibot sa kanila ang mga panganib at dinadaklot ng kabiguan ang kanilang kaluluwa, dapat lamang silang umasa sa mga kabutihan ng pagtubos. Wala tayong magagawa sa ating sarili. Sa lahat ng ating pagiging hindi karapat-dapat, kailangan nating magtiwala sa mga kagalingan ng Tagapagligtas na ipinako sa krus at nabuhay na mag-uli. Walang maaaring mawala samantalang ginagawa nila ito. Nasa harapan ng paningin ng Walang hanggan ang mahaba at maitim na listahan ng ating mga delingkuwensya. Tapos na ang paglilista; walang makalilimutan sa ating mga paglabag. Ngunit Siya na nakinig sa mga panaghoy ng Kanyang lingkod noon, ay makikinig sa panalangin ng pananampalataya, at patatawarin ang ating mga pagkakasala. Nangako Siya, at Kanyang tutuparin ang Kanyang salita. KDB 144.3

Nanagumpay si Jacob dahil siya'y matiyaga at desidido. Nagpapatotoo sa kapangyarihan ng matiyagang pananalangin ang karanasan niya. Kailangan nating matutunan ang aral ng panalanging nananagumpay, ng di-sumusukong pananampalataya.— Ibid., pp. 202, 203. KDB 144.4