Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hindi na Ako Magkakasala Pa, Mayo 13
Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba, Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa; ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita, kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa? Job 34:31, 32. KDB 143.1
Lumapit kang taglay ang iyong buong puso kay Jesus. Pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan, mangumpisal ka sa Diyos, talikuran mo ang lahat ng kasamaan, at maiaangkop mo para sa iyong sarili ang lahat ng Kanyang mga pangako. . . . Darating ang araw kung kailan bibigkasin ang nakakikilabot na pagtuligsa ng poot ng Diyos laban sa lahat ng nagpatuloy sa kanilang kawalang-katapatan sa Kanya. Ito ang panahon kung kailan kailangang bigkasin at gawin ng Diyos sa katuwiran ang kakilakilabot na mga bagay laban sa mga lumalabag sa Kanyang kautusan. Ngunit hindi mo kailangang mapasama sa kanila na mapapasailalim sa poot ng Diyos. Ngayon ang araw ng Kanyang pagliligtas. Nagniningning ang liwanag mula sa krus ng Kalbaryo nang malinaw at matingkad, na inihahayag si Jesus, ang ating sakripisyo para sa kasalanan. Habang binabasa mo ang mga pangakong inilagay ko sa iyong harapan, alalahanin mong paghahayag ang mga ito ng hindi mabigkas na pag- ibig at kahabagan. Lumalapit sa makasalanan ang dakilang puso ng walang- hanggang Pag-ibig taglay ang walang-hanggang kahabagan. “Sa Kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng Kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan.” KDB 143.2
Oo, maniwala lamang na ang Diyos ang iyong katulong. Ninanais Niyang panumbalikin ang Kanyang larawang moral sa tao. Habang lumalapit ka sa Kanya na may pangungumpisal at pagsisisi, lalapit Siya sa iyo na may habag at pagpapatawad. Utang natin sa Diyos ang lahat. Siya ang may-akda ng ating kaligtasan.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 634, 635. KDB 143.3
Nagpasya kang ibigay ang iyong sarili sa Diyos. Ngayo'y lumapit ka sa Kanya, at hilingan mong hugasan Niya ang iyong mga kasalanan, at bigyan ka ng bagong puso. Pagkatapos ay manampalataya kang gagawin Niya ito dahil Siya'y nangako. Ito ang aral na itinuro ni Jesus nang Siya'y nasa lupa, na kailangang sampalatayanan natin na tinanggap natin ang kaloob na ipinapangako ng Diyos sa atin, at ito'y magiging atin.— steps to Christ, pp. 49, 50. KDB 143.4