Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ilayo Mo ang Kasamaan, Mayo 10
Kung itutuwid mo ang iyong puso, iuunat mo ang iyong kamay sa kanya. Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito, at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda. Job 11:13, 14. KDB 140.1
Huwag itulot ninuman na linlangin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na ililigtas ng Diyos, sa Kanyang dakilang pagmamahal at kahabagan, maging ang mga tumatanggi sa Kanyang biyaya. Makikita lamang ang labis na kasamaan ng kasalanan sa liwanag ng krus. Kapag sinasabi ng mga tao na labis na mabuti ang Diyos upang itakwil ang makasalanan, hayaan silang tumingin sa Kalbaryo. Dahil walang ibang paraan upang maligtas ang tao, dahil kapag wala ang sakripisyong ito imposible para sa sangkatauhan na makatakas mula sa dumudungis na kapangyarihan ng kasalanan, at maibalik sa pakikipagniig sa mga banal na nilalang—imposible para sa kanila ang muling makibahagi sa espirituwal na buhay—dahil dito kung kaya't tinanggap ni Cristo ang kasalanan ng masuwayin at nagdusa para sa makasalanan. Nagpapatotoo ang pag-ibig at pagdurusa at kamatayan ng Anak ng Diyos sa matinding kalakihan ng kasalanan, at nagsasabing walang pagtakas mula sa kapangyarihan nito, walang pag-asa para sa mas mataas na buhay, kundi sa pamamagitan ng pagpapasakop ng kaluluwa kay Cristo. KDB 140.2
Kung minsa'y nagdadahilan ang mga taong hindi nagsisisi sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsasabi tungkol sa mga nag-aangking mga Cristiano, “Kasing buti lang nila ako. Hindi naman sila nakalalamang sa pagtanggi sa sarili, pagiging mahinahon, o pagiging banayad sa kanilang pagkilos kaysa sa akin. Mahiligin din sila sa kaaliwan at pagbibigay hilig sa sarili na katulad ko.” Sa ganitong paraan ay ginagawa nilang dahilan ang kasamaan ng iba para sa kanilang sariling pagpapabaya sa tungkulin. Ngunit hindi dahilan para sa kaninuman ang mga kasalanan at kahinaan ng iba; sapagkat hindi tayo binigyan ng Panginoon ng nagkakamaling tao upang tularan. . . . Mag-ingat kayo sa pagpapaliban. Huwag ninyong ipagpaliban ang gawain ng pagtatakwil sa inyong mga kasalanan, at pagsusumikap para sa kadalisayan ng puso sa pamamagitan ni Jesus. Dito nagkakamali ang libu-libo na humahantong sa kanilang walang- hanggang pagkawala.— steps to Christ, pp. 31, 32. KDB 140.3