Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Kabutihan Niya ang Umaakay sa lyo sa Pagsisisi, Mayo 9
O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi? Roma 2:4. KDB 139.1
Totoo na kung minsan ay ikinahihiya ng mga tao ang makasalanan nilang mga gawi, at isinusuko ang ilan sa masasama nilang nakasanayan, bago pa nila malamang nailalapit sila kay Cristo. Ngunit sa tuwing gumagawa sila ng pagsisikap upang magbago, mula sa tapat na pagnanasa na gumawa ng tama, ang kapangyarihan ni Cristo ang siyang nagpapalapit sa kanila. Gumagawa sa kaluluwa ang isang impluwensiyang hindi nila namamalayan, nabibigyang-buhay ang konsyensya, at naisasaayos ang panlabas na kabuhayan. At habang inilalapit sila ni Cristo upang tumingin sa Kanyang krus, upang pagmasdan Siyang sinugatan ng kanilang mga kasalanan, nababatid ang utos sa kanilang damdamin. Nahahayag sa kanila ang kasamaan ng kanilang buhay, ang kasalanang nasa kaibuturan ng kanilang kaluluwa. Nagsisimula nilang maunawaan ang tungkol sa katuwiran ni Cristo at kanilang sinasabi, “Ano ang kasalanan na kakailanganin ang gayong sakripisyo para sa katubusan ng biktima nito? Ang lahat ba ng pag-ibig na ito, ang lahat ng pagdurusang ito, ang lahat ng pagpapakumbabang hiningi ay para hindi tayo mamatay, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan?” KDB 139.2
Maaaring tanggihan ng makasalanan ang pag-ibig na ito, maaaring tumangging mailapit kay Cristo; ngunit kung hindi siya tatanggi, mapapalapit siya kay Jesus; dadalhin siya ng kaalaman tungkol sa panukala ng kaligtasan sa paanan ng krus sa pagsisisi para sa kanyang mga kasalanan, na nagdulot ng mga pagdurusa ng minamahal na Anak ng Diyos. . . . KDB 139.3
Sa pamamagitan ng mga impluwensiyang nakikita at hindi nakikita, patuloy na gumagawa ang Tagapagligtas upang akitin ang mga pag-iisip ng mga tao mula sa hindi nakalulugod na kasiyahan ng kasalanan patungo sa walang-hanggang pagpapala na maaaring mapasa-kanila sa Kanya. Nakalaan itong banal na mensahe sa lahat ng mga kaluluwang ito, na walang-saysay na nagsusumikap na uminom mula sa mga sirang sisidlan ng sanlibutang ito, “Ang nauuhaw ay pumarito. . . .”— steps to Christ, pp. 27, 28. KDB 139.4