Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Siyang Nagsisisi Ay Mabubuhay, Mayo 8
Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay. Ezekiel 18:21. KDB 138.1
Silang nananahan sa mga kahabagan ng Diyos, at hindi pabaya sa Kanyang mas maliliit na kaloob ay magsusuot ng mga bigkis ng kagalakan, at aawit sa kanilang mga puso para sa Panginoon. Dapat na maging tema para sa patuloy na pagpapasalamat ang mga biyaya sa araw-araw na ating tinatanggap mula sa kamay ng Diyos, at higit sa lahat ang kamatayan ni Jesus upang dalhin sa atin ang kaligayahan at kalangitan. KDB 138.2
Sa pag-uugnay Niya sa atin sa Kanyang sarili upang tayo'y maging Kanyang mga natatanging yaman, anong dakilang pagmamahal, anong pag-ibig na hindi mapapantayan ang ipinakita ng Diyos sa atin na mga makasalanang nawaglit! Anong dakilang sakripisyo ang ginawa ng ating Manunubos upang matawag tayong mga anak ng Diyos! Dapat nating purihin ang Diyos para sa mapalad na pag-asa na ibinigay sa atin sa dakilang panukala ng pagtubos. Dapat natin Siyang purihin para sa makalangit na mana, at para sa Kanyang mayayamang pangako; purihin Siya dahil nabubuhay si Jesus upang mamagitan para sa atin.— Patriarchs and Prophets, p. 289. KDB 138.3
Hindi maitatama ang mga kamalian ni mangyayari ang mga pagbabago sa karakter sa pamamagitan ng mga mahihina at pahintu-hintong pagsisikap. Mananagumpay lamang tayo sa pamamagitan ng mahaba at matiyagang pagmamalasakit, matinding disiplina, at mahigpit na pakikipagpunyagi. Hindi natin malalaman sa isang araw kung gaano katindi ang ating magiging laban sa susunod. . . . Walang nag-angkin sa mga apostol o mga propeta na sila'y walang kasalanan. Ang mga taong namuhay na pinakamalapit sa Diyos, mga taong nakahandang isakripisyo ang kanilang sarili kaysa sinasadyang gumawa ng kamalian, mga taong pinarangalan ng Diyos sa pamamagitan ng banal na liwanag at kapangyarihan, ay kanilang ipinagtapat ang pagkamakasalanan ng kanilang likas. Hindi sila naglagay ng pagtitiwala sa laman, hindi sila nag-angkin ng sarili nilang katuwiran, kundi ganap na nagtiwala sa katuwiran ni Cristo. Gayon din ang dapat mangyari para sa lahat ng tumitingin kay Cristo.— The Acts of the Apostles, pp. 560, 561. KDB 138.4