Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

132/376

Ang Kalungkutang Naaayon sa Diyos Ay Nagbubunga ng Pagsisisi, Mayo 7

Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. 2 Corinto 7:10. KDB 137.1

Inilalahad sa atin ng Diyos ang ating kasalanan upang makatakas tayo patungo kay Cristo, at sa pamamagitan Niya'y mapalaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan, at magalak sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sa tunay na pagsisisi maaari tayong lumapit sa paanan ng krus, at doo'y iwanan natin ang ating mga pasan. . . . Ang mga pagsubok ng buhay ay mga manggagawa ng Diyos, upang tanggalin ang mga karumihan at kagaspangan mula sa ating karakter. Ang kanilang pag-uukit, pagtutuwid, at pagsisinsel, ang kanilang pagpapakintab at pagkikinis, ay isang napakasakit na proseso; mahirap ang maidiin sa gilingan. Ngunit lalabas ang bato na nakahandang kunin ang kanyang lugar sa makalangit na templo. Hindi ibinibigay ng Panginoon ang gayong maingat at ganap na gawain sa mga materyales na walang halaga. Tanging ang Kanyang mahahalagang mga bato ang pinakikinis sa wangis ng isang palasyo. KDB 137.2

Gagawa ang Panginoon para sa lahat ng maglalagak ng kanilang pagtitiwala sa Kanya. Mahahalagang mga tagumpay ang makakamit ng mga tapat. Mahahalagang mga aral ang matututunan. Mahahalagang karanasan ang makakamit.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 10, 11. KDB 137.3

Si Cristo ang maawain at mapagmahal na Manunubos. Sa Kanyang kapangyarihang nagpapalakas ay nagiging malakas ang mga lalaki at babae upang labanan ang kasamaan. Habang tumitingin ang nagsisising makasalanan sa kasalanan, ito'y nagiging labis na masama sa kanya. Nagtataka siya kung bakit hindi pa siya lumapit dati kay Cristo. Nakikita niyang kailangang mapanagumpayan ang kanyang mga kahinaan, at kailangang mapasakop sa kalooban ng Diyos ang kanyang mga panlasa at pagnanasa, na kailangan niyang makibahagi sa banal na likas sa pananagumpay sa katiwalian na nasa sanlibutan sa pamamagitan ng pita ng laman. Dahil kanyang pinagsisihan ang kanyang paglabag sa kautusan ng Diyos, magsisikap siyang makipagpunyagi upang mapanagumpayan ang kasalanan. Pinagsisikapan niyang ihayag ang kapangyarihan ng biyaya ni Cristo, at nadadala siya sa personal na paghipo ng Tagapagligtas.— Testimonies for the Church, vol. 9, p. 151. KDB 137.4