Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

130/376

Ang Kaisipan ng Laman Ay Pagkapoot Laban sa Diyos, Mayo 5

Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari; at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Roma 8:7, 8. KDB 135.1

Binigyan ang tao noong una ng marangal na kapangyarihan at balanseng- balanseng pag-iisip. Siya'y sakdal sa kanyang pagkatao at kasundo ng Diyos. Dalisay ang kanyang pag-iisip at banal ang kanyang mga layunin. Ngunit dahil sa pagsuway, naging masama ang kanyang mga kapangyarihan at pinalitan ng pagkamakasarili ang pagmamahal. Naging napakahina ang kanyang likas sa pamamagitan ng pagsalangsang na anupa't naging imposible para sa kanya, sa kanyang sariling lakas, na labanan ang kapangyarihan ng kasamaan. Ginawa siyang alipin ni Satanas, at mananatili sanang gayon magpa- sa-walang-hanggan kung hindi namagitan ang Diyos. Layunin ng manunukso na sirain ang banal na panukala sa paglalang ng tao, at punuin ang lupa ng kalumbayan at pagkawasak. At ituturo niya ang lahat ng kasamaang ito bilang resulta ng gawain ng Diyos sa paglalang sa tao. KDB 135.2

Sa kanyang walang-kasalanang kalagayan, nagkaroon ang tao ng masayang pakikipagtalastasan sa Kanya kung kanino “nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.” Ngunit pagkatapos ng kanyang pagkakasala, hindi na siya nakasusumpong ng kagalakan sa kabanalan, at sinikap niyang magtago mula sa presensya ng Diyos. Ganito ang kalagayan ng pusong hindi nabago. Hindi ito kasundo ng Diyos at hindi nalulugod sa pakikipag-ugnayan sa Kanya. Hindi magiging masaya ang makasalanan sa presensya ng Diyos; iiwasan niya ang pakikisama ng mga banal na nilalang. Kung pahihintulutan siyang makapasok sa langit, hindi ito magiging masaya para sa kanya. Ang espiritu ng di-makasariling pag-ibig na naghahari roon—bawat puso'y tumutugon sa puso ng walang- hanggang pag-ibig—ay walang maaantig na tumutugong kuwerdas sa kanyang kaluluwa. Ang kanyang mga pag-iisip, kinahihiligan, layunin, ay kakaiba roon sa nagpapakilos sa mga walang-kasalanang naninirahan doon. Magiging isa siyang notang wala sa tono sa awitin ng kalangitan.— steps to Christ, pp. 17, 18. KDB 135.3