Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Puso Ay Mandaraya, Mayo 4
Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay at lubhang napakasama; sinong makakaunawa nito? Jeremias 17:9. KDB 134.1
Patuloy pa rin ang huwad na kabanalan at di-tunay na pagpapabanal sa gawaing pandaraya nito. Inihahayag nito sa ilalim ng iba't ibang anyo ang parehong espiritu tulad nang mga araw ni Lucifer, inilalayo ang isipan mula sa Kasulatan, at inaakay ang mga tao na sundin ang sarili nilang mga damdamin at impresyon imbes na magpasakop sa pagtupad sa kautusan ng Diyos. Isa ito sa mga pinakamatagumpay na pakana ni Satanas upang kutyain ang kadalisayan at katotohanan.— The Great Controversy, p. 193. KDB 134.2
Siyang tumitingin kay Cristo sa Kanyang pagtanggi sa sarili, sa Kanyang pagpapakumbabang puso, ay mahihikayat sabihin, na tulad ni Daniel noong mapagmasdan niya ang Isang katulad ng anak ng tao, “Ang aking kagandahan ay umuwi sa kasiraan.” Ang kasarinlan at pagpapahalaga sa sarili na ating itinataas ay nagpapakita sa ating tunay na kasamaan bilang mga tanda ng pagkaalipin kay Satanas. Patuloy na nakikipagpunyagi ang likas na pagkatao upang maihayag, nakahandang makipaglaban; ngunit siyang nag-aaral kay Cristo ay natatanggalan ng pagkamakasarili, pagmamataas, ng pagmamahal sa pangingibabaw, at nagkakaroon ng katahimikan sa kaluluwa. Isinusuko ang sarili upang magamit ng Banal na Espiritu. Kung magkagayo'y hindi na tayo nababalisang makamit ang pinakamataas na kalagayan. Wala na tayong pagnanasang ipagpilitan ang ating sarili upang mapansin; kundi nadarama natin na ang ating pinakamataas na lugar ay sa paanan ng ating Tagapagligtas. Tumitingin tayo kay Jesus na hinihintay na pangunahan ng Kanyang kamay, na pinakikinggan ang Kanyang tinig upang gumabay. . . . Sinisira ng pagmamahal sa sarili ang ating kapayapaan. Habang nabubuhay ang sarili, nakahanda tayong patuloy na bantayan ito mula sa kahihiyan at panlilibak; kung tayo'y patay na, at ang ating buhay ay nakatago kay Cristo sa Diyos, hindi natin daramdamin ang pagpapabaya o paghamak. Magiging bingi tayo sa panunuya, at bulag sa paghamak at pang-aalipusta.— Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 15,16. KDB 134.3