Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Iwan Ninyo ang Kawalang Muwang, Abril 28
Iwan ninyo ang kawalang muwang at kayo'y mabuhay at kayo'y lumakad na may pang-unawa. Kawikaan 9:6. KDB 127.1
Nakalatag sa ating harapan ang walang hanggan. Itataas na ang tabing. Anong ginagawa nating tumatayo sa taimtim at may pananagutang kalagayan, ano ang ating iniisip, na nangungunyapit tayo sa ating makasariling pagmamahal sa kaalwanan, habang nangamamatay ang mga kaluluwa sa ating palibot? Naging ganap na manhid na ba ang ating mga puso? Hindi ba natin maramdaman o maunawaan na mayroon tayong gawain para sa kaligtasan ng iba? Mga kapatid, kasama ba kayo sa bilang na may mga mata ngunit hindi nakakakita, at may mga tainga ngunit hindi nakaririnig? Wala bang kabuluhan ang pagbibigay sa inyo ng Diyos ng kaalaman sa Kanyang kalooban? Wala bang kabuluhan na nagpadala Siya sa inyo ng sunod-sunod na babala? Pinaniniwalaan mo ba ang mga paglalahad ng walang-hanggang katotohanan tungkol sa mga magaganap sa sanlibutan, pinaniniwalaan mo ba na nagbabanta sa ibabaw ng mga tao ang mga kahatulan ng Diyos, at makauupo ka pa ba sa kaginhawahan, tamad, pabaya, at maibigin sa kalayawan? KDB 127.2
Wala ng panahon upang ituon ng bayan ng Diyos ang kanilang pagpapahalaga o mag-ipon ng kanilang mga yaman sa sanlibutan. Hindi na magtatagal, tulad ng mga alagad, mapipilitan tayong maghanap ng kanlungan sa mapanglaw at malalayong lugar. Kung paanong naging hudyat para sa mga Cristianong Judio ang pagkubkob sa Jerusalem ng mga hukbong Romano upang sila'y tumakas, gayon din ay magiging babala para sa atin ang pagkakaroon ng kapangyarihan sa ating bansa, sa utos na pagpapatupad sa Sabbath ng papa. Magiging panahon na iyon upang lisanin ang malalaking lunsod, na paghahanda rin upang lisanin ang mas maliliit na lunsod para sa mga tagong tahanan sa malalayong lugar sa mga kabundukan. At ngayon, imbes na nasain ang mga mamahaling tirahan dito, dapat tayong naghahanda na lumipat sa mas mabuting lupain, iyong makalangit.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 464, 465. KDB 127.3