Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

123/376

Layuan ang mga Bagay na Ito, Abril 29

Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan. 1 Timoteo 6:11. KDB 128.1

Maikli na ang ating panahon. Minsan lamang tayo dadaan sa mundong ito; habang dumadaan tayo, pagbutihin natin ang pagkakataong mabuhay. Hindi nangangailangan ng kayamanan o katayuan sa lipunan o malaking kakayanan ang gawain kung saan tayo'y tinawag. Kinakailangan nito ang espiritung mabait at mapagsakripisyo at matatag na layunin. Ang isang ilawan, gaano man ito kaliit, ay maaaring magamit upang pagliwanagin ang marami pang ibang mga ilawan. Maaaring tila makitid ang naaabot ng ating impluwensiya, maliit ang ating kakayanan, kakaunti ang ating pagkakataon, limitado ang ating kaalaman; ngunit nasa atin ang mga kamangha-manghang posibilidad sa pamamagitan ng matapat na paggamit ng mga pagkakataon ng ating sariling mga tahanan. Kung bubuksan natin ang ating mga puso at tahanan sa mga banal na prinsipyo ng buhay, magiging daluyan tayo para sa mga agos ng kapangyarihang nagbibigay- buhay. Aagos mula sa ating mga tahanan ang mga batis ng pagpapagaling, na naghahatid ng buhay, at kagandahan, at pagiging mabunga kung saan ngayon ay tagtuyot at kawalan.— The Ministry of Healing, p. 355. KDB 128.2

Marami sa mga tumatawag sa kanilang sarili bilang mga Cristiano ay mga taong moralista lamang. Tinanggihan nila ang kaloob na siyang tanging makapagbibigay kakayanan sa kanila na parangalan si Cristo sa pamamagitan ng pagpapahayag sa Kanya sa sanlibutan. Isang kakatwang gawain sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi sila tagatupad ng Salita. Halos hindi na makita ang mga makalangit na prinsipyo na nagpapakilala sa kanila na kaisa kay Cristo mula sa kanila na kaisa sa sanlibutan. Ang mga nag-aangking tagasunod ni Cristo ay hindi na hiwalay at natatanging bayan. Hindi na makita ang linya ng pagkakaiba. . . . Hindi tatakpan ng katuwiran ni Cristo ang isang kasalanang iniingatan sa puso. . . . Bawat gawa ay hahatulan sa pamamagitan ng mga motibong nag-udyok dito. Tanging yaong kasang-ayon lamang sa mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos ang makatatayo sa Paghuhukom.— Christ’s object Lessons, pp. 315, 316. KDB 128.3