Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kumilos Ka, Abril 26
Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan, Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban! Awit 35:23. KDB 125.1
Kung nais nating takasan ang pagkakaroon ng masamang karanasan, kailangan nating magsimula nang masigasig na walang pagpapaliban na isagawa ang ating sariling kaligtasan na may takot at panginginig. Napakarami ang hindi nagbibigay ng tiyak na patotoo na sila'y tapat sa kanilang mga pangako noong mabautismuhan. Nanlalamig ang kanilang sigla dahil sa pormalidad, makamundong hangarin, pagmamataas, at pagmamahal sa sarili. Paminsan-minsan naaantig ang kanilang mga damdamin, ngunit hindi sila nahuhulog sa Bato, si Cristo Jesus. Hindi sila lumalapit sa Diyos na may mga pusong nabasag sa pagsisisi at pangungumpisal. Silang nakaranas ng gawain ng tunay na pagkahikayat sa kanilang puso ay ipahahayag ang mga bunga ng Espiritu sa kanilang buhay. Nawa'y silang may kakaunting espirituwal na buhay ay mabatid na ang buhay na walang hanggan ay maibibigay lamang sa kanila na naging kabahagi ng banal na likas, at nakatakas sa kasiraan na nasa sanlibutan dahil sa kahalayan! KDB 125.2
Tanging ang kapangyarihan lamang ni Cristo ang makapagbabago sa puso at isipan na kailangang maranasan ng lahat ng makikibahagi na kasama Niya sa bagong buhay sa kaharian sa langit.— Testimonies for the Church, vol. 9, pp. 155, 156. KDB 125.3
May maingay na kasiglahan, na walang hangarin o layunin, na hindi kasang- ayon sa karunungan, na bulag sa paggawa nito at nakawawasak sa mga bunga nito. Hindi ito ang maka-Cristianong kasiglahan. Kinokontrol ang Cristianong kasiglahan ng prinsipyo, at hindi pabugsu-bugso. Ito'y masikap, malalim, at malakas, na isinasangkot ang buong kaluluwa, at ginigising upang gumawa ang mga pandamang moral. Ang kaligtasan ng mga kaluluwa at ang kapakanan ng kaharian ng Diyos ang mga pinakamahalaga. Anong layunin ang mayroon na nangangailangan ng higit na pagsisikap kaysa sa kaligtasan ng mga kaluluwa at kaluwalhatian ng Diyos?— Ibid., vol. 2, p. 232. KDB 125.4