Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

119/376

Iwasan ang Masama, Abril 25

Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama. Iwasan mo iyon, huwag mong daanan; talikuran mo, at iyong lampasan. Kawikaan 4:14, 15. KDB 124.1

Sa pagbuo ng pakikipagkaibigan, dapat mag-ingat nang mabuti baka magkaroon ng malapit na ugnayan sa isa na hindi ligtas na tularan ang halimbawa; sapagkat ang epekto ng ganitong malapit na ugnayan ay ang ilayo ka sa Diyos, sa debosyon, at sa pagmamahal sa katotohanan. Tiyak na mapanganib para sa iyo na maging malapit sa mga kaibigang walang relihiyosong karanasan. . . . Dapat na pangunahin para sa iyo ang mga makalangit na pagsasaalang-alang. Walang maaaring magkaroon ng higit na mapandaya at tiyak na mapanganib na impluwensiya sa pag-iisip, at higit na magsisilbing mabisa upang iwaksi ang mga mahahalagang kaisipan, at ang mga payo ng Espiritu ng Diyos, kaysa sa makisama sa kanila na mga palalo at mapagwalang-bahala, na palaging nasa sanlibutan at kapalaluan ang mga pag-uusap. Habang lalong nakatutuwa ang mga taong ito sa isang banda, ay lalo namang mapanganib ang kanilang impluwensiya bilang mga kasamahan, sapagkat naglalatag sila ng napakaraming nakalulugod na panghalina sa buhay na walang relihiyon.— Testimonies for the Church, vol. 3, pp. 42, 43. KDB 124.2

Tulad ng Israel, ang mga Cristiano ay madalas nagpapadala sa impluwensiya ng sanlibutan, at nakikibagay sa mga prinsipyo at pag-uugali nito, upang mapanatili ang pakikipagkaibigan sa mga di-makadiyos; ngunit sa bandang huli ay matatagpuang itong mga nag-aangking kaibigan ang siyang pinakamapanganib na kalaban. Malinaw na itinuturo ng Biblia na hindi maaaring magkaroon ng pagkakasundo sa pagitan ng bayan ng Diyos at ng sanlibutan. . . . Gumagawa si Satanas sa pamamagitan ng mga di-makadiyos, sa ilalim ng kunwaring pakikipagkaibigan, para akitin sa pagkakasala ang bayan ng Diyos, upang maihiwalay niya ang mga ito sa Kanya; at kapag natanggal ang kanilang depensa, pangungunahan niya ang kanyang mga kampon upang atakihin sila, at isagawa ang kanilang pagkawasak.— Patriarchs and Prophets, p. 559. KDB 124.3