Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Maging Marangal, Abril 22
Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao. Roma 12:17. KDB 121.1
Ang buhay ay pagdidisiplina. Habang nasa sanlibutan, haharap ang mga Cristiano sa mga sumasalungat na impluwensiya. Magkakaroon ng mga hamon na susubok sa ating pagpipigil; at sa pamamagitan ng pagharap sa mga ito sa tamang saloobin na ang mga Cristianong biyaya ay napauunlad. Kung may pagpapakumbabang tataglayin ang mga pasakit at pang-aalipusta, kung tutugon nang malumanay sa mga masasakit na pananalita, at kabutihan para sa pang-aapi, ito'y patunay na nananahan ang Espiritu ni Cristo sa puso, na dumadaloy ang dagta mula sa buhay na Puno ng Ubas tungo sa mga sanga. Tayo'y nasa paaralan ni Cristo sa buhay na ito, kung saan dapat nating matutunang maging maamo at may mapagpakumbabang puso; at sa araw ng huling pagsusulit makikita natin na ang lahat ng hadlang na ating hinarap, ang lahat ng kahirapan at pagkayamot na tinawagan tayong dalhin, ay mga praktikal na aral sa aplikasyon ng mga prinsipyo ng buhay Cristiano. Kung natiis nang mabuti, naglilinang ang mga ito ng pagiging katulad ni Cristo sa karakter, at nagkakaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng Cristiano at taong makasanlibutan. KDB 121.2
May mataas na pamantayan na dapat nating makamtan kung nais nating maging mga anak ng Diyos, marangal, dalisay, banal, at walang dungis; at kailangan ang proseso ng pagpupungos kung nais nating maabot ang pamantayang ito. Paano magaganap ang pagpupungos na ito kung walang mga kahirapang kailangang harapin, walang mga hadlang na lalampasan, walang tatawag sa pagtitiyaga at pagtitiis? Ang mga pagsubok na ito ay hindi ang mga pinakamaliit na mga pagpapala sa ating karanasan. Naidisenyo ang mga ito upang magbigay ng determinasyong magtagumpay. Dapat nating gamitin ang mga ito bilang mga pamamaraan ng Diyos upang makamit ang mga tiyak na tagumpay sa sarili, imbes na pahintulutan ang mga ito na pigilan, pahirapan, at sirain tayo.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 344, 345. KDB 121.3
Kung ang katapatan ay mahalagang prinsipyo ng buhay negosyo, hindi ba dapat nating kilalanin ang ating obligasyon sa Diyos—ang obligasyong saligan ng lahat ng iba pa?— EDUCATION, p. 139. KDB 121.4