Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Layuan ang Masasamang Pagnanasa, Abril 21
Ngunit layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan at sundin mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso. 2 Timoteo 2:22. KDB 120.1
Wala tayong dapat sayangin na panahon. Hindi natin nalalaman kung kailan magtatapos ang ating pagsubok. Nasa ating harapan ang walang hanggan. Malapit ng itaas ang tabing. Malapit ng dumating si Cristo. Pinagsisikapan tayong akayin ng mga anghel ng Diyos palayo sa ating mga sarili at sa mga bagay na makasanlibutan. Huwag ninyong hayaang ang kanilang paggawa ay mauwi sa walang kabuluhan. Kapag tumayo si Jesus sa kabanal-banalang dako, hinuhubad ang mga kasuotan ng Kanyang gawaing Tagapamagitan, at isinusuot sa Kanyang sarili ang mga kasuotan ng paghihiganti, lalabas ang utos, “Ang masama ay hayaang magpakasama pa. . . . Ako'y malapit nang dumating at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa.” KDB 120.2
Paparating ang isang unos, na walang-humpay sa kanyang pagngangalit. Nakahanda ba tayong harapin ito? Hindi natin kailangang sabihing: Malapit ng dumating ang mga panganib ng mga huling araw. Dumating na sila. Kailangan natin ngayon ang tabak ng Panginoon upang humiwa hanggang sa pinakaloob- looban ng makalamang pagnanasa, hilig, at silakbo ng damdamin. Ang mga isipang naisuko sa di-maayos na kaisipan ay kailangang mabago. . . . Dapat nakatuon sa Diyos ang mga isipan. Ngayon ang panahon na magsumikap na mapanagumpayan ang likas na hilig ng makasanlibutang puso. Ang ating mga pagsisikap, pagtanggi sa sarili, pagtitiyaga ay nararapat na katumbas sa walang-hanggang kahalagahan ng bagay na ating hinahangad. Makakamit natin ang korona ng buhay sa pamamagitan lamang ng pagtatagumpay na gaya ng pagtatagumpay ni Cristo. . . . KDB 120.3
Kailangan nating lumayo sa isang libong paksang umaakit sa ating pansin. May mga bagay na umuubos ng ating panahon at gumigising sa pagkamausisa, ngunit humahantong sa wala. Ang mga pinakamahahalagang interes ay nangangailangan ng masusing pansin at enerhiyang kadalasang naibibigay sa mga bagay na kung tutuusin ay walang kabuluhan.— Testimonies for the Church, vol. 8, pp. 314-316. KDB 120.4