Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

113/376

Luwalhatiin ang Diyos,Abril 19

Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos. 1 Corinto 6:20. KDB 118.1

Kailangang maunawaan ng bawat mag-aaral ang ugnayan sa pagitan ng payak na pamumuhay at matayog na pag-iisip. Nasa bawat isa sa atin ang pagpapasya kung kokontrolin ng pag-iisip o ng katawan ang ating buhay. Dapat piliin ng bawat kabataan para sa kanilang sarili ang huhubog sa kanilang buhay; at walang kirot na dapat palampasin para kanyang maunawaan ang mga kapangyarihang kailangan niyang pakitunguhan, at ang mga impluwensiyang huhubog sa karakter at sa tadhana. KDB 118.2

Ang kawalang-pagpipigil ay kalaban na kailangan nating lahat bantayan. Ang bawat nagmamahal sa kanyang lahi ay dapat magising upang makidigma rito dahil sa mabilis na paglago ng napakatinding kasamaang ito. . . . Ngunit upang maabot ang ugat ng kawalang-pagpipigil, kailangan nating magtungo sa mas malalim pa kaysa sa paggamit ng alak o tabako. Maaaring nasa likod nito ang katamaran, kawalan ng layunin, o masasamang kasama. Madalas itong matagpuan sa hapag ng mga pamilyang ibinibilang ang kanilang mga sarili na mahigpit na mapagpigil. Anumang nakagagambala sa pagtunaw ng pagkain, na nagdudulot ng hindi nararapat na kasiglahan, o nagpapahina sa sistema sa anumang paraan, na gumagambala sa balanse ng mental at pisikal na kapangyarihan, pinahihina ang kontrol ng pag-iisip sa katawan, at sa gayo'y humihilig tungo sa kawalang- pagpipigil. Maaaring matukoy ang pagbagsak ng maraming magagaling na kabataan sa hindi natural na gana na nabuo sa pamamagitan ng di-malusog na pagkain.— EDUCATION, pp. 202, 203. KDB 118.3

Maaaring makagambala minsan ang pagbibigay pansin sa libangan at pagpapalakas ng katawan sa regular na rutin ng pag-aaral; ngunit ang pagkagambala ay mapatutunayang di-tunay na hadlang. Sa pagpapalakas ng pag-iisip at katawan, ang pagtataguyod ng espiritung hindi makasarili, at ang pagkakaisa ng mag-aaral at guro sa pamamagitan ng ugnayan ng magkatulad na interes at pagsasamang pakikipagkaibigan, ang paggugol ng panahon at pagsisikap ay masusuklian ng isandaang ulit.— Ibid., p. 213. KDB 118.4