Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

112/376

Ingatan Mo ang lyong Puso,Abril 18

Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan, sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay. Kawikaan 4:23. KDB 117.1

Lalong higit na mahalaga ang edukasyon ng puso kaysa sa pagkatuto lamang mula sa mga aklat. Ito'y mabuti, kailangan pa nga, na magkaroon ng kaalaman ng sanlibutang ating tinitirhan; ngunit kung iiwan natin ang walang hanggan sa ating kamalayan, magkakaroon tayo na kabiguang hindi na natin mababawi. Ang isang mag-aaral ay maaaring ilaan ang lahat ng kanyang kapangyarihan sa pagkamit ng karunungan; ngunit malibang magkaroon siya ng karunungan ng Diyos, malibang sundin niya ang mga kautusang nangingibabaw sa kanyang pagkatao, wawasakin niya ang kanyang sarili. Nawawala sa kanya ang kapangyarihan ng pagpapahalaga sa sarili sa pamamagitan ng mga maling nakasanayan; nawawala sa kanya ang pagpipigil sa sarili. Hindi siya makapangatwiran nang wasto tungkol sa mga bagay-bagay na may pinakamalalim na kinalaman sa kanyang sarili. Siya'y pabaya at di- makatuwiran sa kanyang pakikitungo sa isip at katawan. Sa pamamagitan ng kanyang pagpapabaya na maglinang ng mga tamang prinsipyo, nasira siya para sa mundong ito at para roon sa mundong darating. KDB 117.2

Kung nauunawaan lamang ng mga kabataan ang kanilang sariling kahinaan, hahanapin nila ang kanilang kalakasan sa Diyos. Kung nanasain nilang maturuan Niya, magiging maalam sila sa Kanyang karunungan, at ang kanilang mga buhay ay magiging mabunga sa mga pagpapala para sa sanlibutan. Ngunit kung kanilang ipauubaya ang kanilang mga isipan sa pag-aaral na makasanlibutan at mga teorya, at sa gayo'y humiwalay sa Diyos, mawawala sa kanila ang lahat ng makapagpapaunlad ng buhay.— The Ministry of Healing, p. 450. KDB 117.3

Ang katiyakan ng kinabukasan ng lipunan ay sa pamamagitan ng mga kabataan at mga bata ngayon, at nakasalalay sa tahanan ang kahihinatnan ng mga kabataan at batang ito. Maaaring matunton ang malaking bahagi ng karamdaman at kahirapan at krimen na nagpapahirap sa sangkatauhan sa kakulangan ng tamang pagsasanay sa tahanan. Kung dalisay at tunay ang buhay sa tahanan, kung ang mga batang humahayo mula sa pag-aaruga nito ay nakahandang salubungin ang mga pananagutan at panganib ng buhay, anong pagbabago ang makikita sa sanlibutan!— Ibid., p. 351. KDB 117.4