Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

111/376

Tuwirin ang Iyong Landas, Abril 17

Landas ng iyong mga paa ay iyong tuwirin, at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin. Kawikaan 4:26. KDB 116.1

Ang pinakadakilang pangangailangan ng mundo ay ang pangangailangan para sa mga tao—mga taong hindi mabibili o maipagbibili; mga taong tunay at tapat sa kanilang pinakaloob-looban; mga taong hindi natatakot na tawagin sa tamang pangalan ang kasalanan; mga taong may konsyensyang kasing totoo sa tungkulin gaya ng karayom sa polo; mga taong maninindigan para sa matuwid kahit bumagsak ang mga kalangitan. Ngunit hindi resulta ng aksidente ang ganitong karakter; hindi ito dahil sa mga natatanging biyaya o kaloob ng Diyos. Bunga ng pagdidisiplina sa sarili ang marangal na karakter, ng pagpapasakop ng mababang likas doon sa mas nakatataas na likas—ang pagsuko ng sarili para sa paglilingkod ng pag-ibig sa Diyos at tao. KDB 116.2

Kailangang maidiin sa mga kabataan ang katotohanan na hindi nila pagmamay-ari ang kanilang mga kaloob. Mga ipinahiram lamang na kayamanan ang kalakasan, panahon, at karunungan. Pag-aari ang mga ito ng Diyos, at dapat na maging pagpapasya ng bawat kabataan na gamitin ang mga ito sa pinakamabuti. Siya'y isang sangang inaasahan ng Diyos ng bunga; isang katiwala, na ang kanyang kapital ay kailangang kumita; isang ilaw, na magbibigay-liwanag sa kadiliman ng sanlibutan. Ang bawat kabataan, bawat bata, ay may gawain na kailangang gampanan para sa karangalan ng Diyos at pagpapaunlad sa sangkatauhan.— EDUCATION, p. 57. KDB 116.3

Mapanghahawakan lamang natin ang banal na kapangyarihan kung nakikita natin ang ating lubos na kahinaan at iwaksi ang lahat ng pagtitiwala sa sarili. Hindi lamang sa simula ng buhay Cristiano na dapat gawin ang pagtatakwil sa sarili. Kailangan itong panibaguhin sa bawat hakbang pasulong tungo sa langit. Nakasalalay ang lahat ng ating mabubuting gawa sa kapangyarihang nasa labas ng ating mga sarili; kaya't kailangang magkaroon ng patuloy na pag-abot ng puso sa Diyos, isang patuloy, marubdob na pag-amin ng kasalanan at pagpapakumbaba ng kaluluwa sa Kanyang harapan.— The Ministry of Healing, p. 455. KDB 116.4