Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Parangalan Mo Siya, Abril 16
Parangalan mo ang PANGINOON mula sa iyong kayamanan, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani; sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan, at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan. Kawikaan 3:9, 10. KDB 115.1
Kung mapasaiyo ang pagpapala ng Diyos dahil ipinasakop mo ang lahat sa Kanya, uunlad ka. Kung tatalikod ka mula sa Diyos, tatalikod Siya mula sa iyo. Higit na mabilis magkalat ang Kanyang kamay kaysa sa matitipon mo.—Testimonies for the Church, vol. 2, p. 496. KDB 115.2
Ang espiritu ng pagbibigay ay espiritu ng kalangitan. Natatagpuan ang pinakamataas na kapahayagan ng espiritung ito sa sakripisyo ni Cristo sa krus. . . . Sa kabilang panig, ang espiritu ng pagkamakasarili ay espiritu ni Satanas. Ang espiritung nahahayag sa buhay ng mga makasanlibutan ay ang kumuha, kumuha. Sa ganito ay umaasa silang magkakamit ng kaligayahan at kaginhawaan, ngunit kahirapan at kamatayan ang bunga ng kanilang paghahasik. KDB 115.3
Kapag tumigil ang Diyos sa pagpapala sa Kanyang mga anak lamang titigil ang kanilang tungkulin na magbalik sa Kanya ng bahaging Kanyang inaangkin. Hindi lamang nila kailangang ibigay sa Panginoon ang bahaging Kanyang pag-aari, kundi kailangan din nilang dalhin sa Kanyang kaban, bilang handog ng pasasalamat, isang masaganang alay. Dapat nilang italaga na may masayang puso sa Maylalang ang mga unang bunga ng kanilang kasaganaan—ng kanilang pinakapiling pag-aari, ang kanilang pinakamabuti at pinakabanal na paglilingkod. Sa ganitong paraan, makakamit nila ang masaganang pagpapala. Ang Diyos mismo ang gagawa sa kanilang mga kaluluwa na tila harding nadiligan, na di-magkukulang sa tubig. At kapag tinipon na ang huling malaking pag-aani, ang mga bigkis na madadala nila sa Panginoon ay magiging gantimpala ng kanilang hindi makasariling paggamit sa mga talentong ipinahiram sa kanila.— Acts of the Apostles, pp. 339, 340. KDB 115.4
Maaaring magpala o magkait ang kamay ng Diyos; at madalas Siyang nagkakait sa isa samantalang tila pinauunlad ang iba. Ang lahat ng ito'y upang subukin at patunayan ang mga tao, at ilahad ang kanilang puso.— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 547. KDB 115.5