Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

109/376

Magpahinga sa Panginoon, Abril 15

Ikaw ay manahimik sa PANGINOON, at matiyaga kang maghintay sa kanya: huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya, dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana. Awit 37:7. KDB 114.1

Marami ang nabibigong makatanggap ng biyaya ng tunay na komunyon sa Diyos kahit na sa panahon ng kanilang debosyon. Labis silang nagmamadali. Tumutungo sila sa mapagmahal na presensya ni Cristo na may nagmamadaling mga hakbang, marahil panandalian lamang na tumitigil sa mga banal na dako, ngunit hindi naghihintay para sa payo. Wala silang panahon na manatili sa piling ng banal na Guro. Bumabalik sila sa kanilang gawain na taglay pa rin ang kanilang mga pasan. KDB 114.2

Hindi makakamit ng mga manggagawang ito ang pinakamataas na tagumpay hangga't hindi nila matutunan ang sekreto ng kalakasan. Dapat na bigyan nila ang kanilang mga sarili ng panahong mag-isip, manalangin, maghintay sa Diyos para sa pagpapanibago ng kalakasang pisikal, mental, at espirituwal. Kailangan nila ang nagpapasiglang impluwensiya ng Kanyang Espiritu. Sa pagkatanggap nito, mapasisigla sila ng panibagong buhay. Ang pagal na katawan at pagod na isipan ay mapasisigla, mapagagaan ang nabibigatang puso.—EDUCATION, pp. 260, 261. KDB 114.3

Sinasabi kong muli, Magalak sa Panginoon. Magpahinga sa Kanya. Kailangan mo ang Kanyang kapangyarihan, at maaaring mapasaiyo ang kapangyarihang ito. Humayo kang pasulong nang matatag, may tapang, at kagitingan. Maaari kang magkamali sa paghatol, ngunit huwag kang bibitiw kay Jesus. Siya ay karunungan, Siya ay liwanag, Siya ay kapangyarihan. Siya sa iyo ay isang malaking Bato sa pagod na lupain. Magpahinga ka sa Kanyang lilim. Kailangan mo ng karunungan, at ibibigay ito sa iyo ni Jesus. Huwag kang mawalan ng pananampalataya. Habang lalo kang ginigitgit, di-naiintindihan, minamali, pinasisinungalingan, mayroon kang higit na patotoo na ginagampanan mo ang gawain para sa Panginoon, at lalong higit na dapat kang kumapit sa iyong Tagapagligtas. Sa lahat ng iyong mga paghihirap, maging mahinahon at payapa ka, matiyaga at matiisin, na hindi ginagantihan ng masama ang masama, kundi mabuti para sa masama. Tumingin ka sa pinakatuktok ng hagdan. Nasa ibabaw nito ang Diyos.— Testimonies for the Church, vol. 8, p. 130. KDB 114.4