Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

108/376

Ingatan Mo ang Iyong Dila, Abril 14

Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama, at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya. Awit 34:13. KDB 113.1

Sa lahat ng kaloob na ibinigay ng Diyos sa mga tao, walang higit na mahalaga kaysa sa kaloob ng kakayahang magsalita. Kung pinabanal ng Banal na Espiritu, kapangyarihan ito para sa kabutihan. Nanghihikayat at nanghihimok tayo gamit ang dila; sa pamamagitan nito nag-aalay tayo ng panalangin at papuri sa Diyos; at sa pamamagitan nito naghahatid tayo ng mahahalagang kaisipan ng pagmamahal ng Manunubos.—Testimonies for the Church, vol. 6, p. 337. KDB 113.2

Dapat na iwasan ng lahat ng nagnanasang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa ng katotohanang espirituwal ang lahat ng karumihan sa pagsasalita o pag-iisip.—The Desire of Ages, p. 302. KDB 113.3

Sino ang hindi umiibig sa buhay, at nagnanasa para sa mga magagandang araw? Ngunit gaano ngang kakaunti ang sumusunod sa mga kondisyon, na pigilan ang dila sa kasamaan, at ang mga labi mula sa pagsasalita ng katusuhan. Iilan lamang ang nakahandang sumunod sa halimbawa ng kaamuan at kapakumbabaan ng Tagapagligtas. Marami ang humihiling sa Panginoon na gawin silang mapagpakumbaba, ngunit hindi nakahandang magpasakop sa kinakailangang pagdidisiplina. Kapag dumarating ang pagsubok, kapag nagaganap ang mga kahirapan o maging kayamutan, nagrerebelde ang puso, at bumibigkas ang dila ng mga salitang tulad ng mga palasong may lason o bugso ng yelong ulan. KDB 113.4

Ang pagsasalita ng masama ay dalawahang sumpa, na higit na mabigat ang pagbagsak sa nagsasalita kaysa roon sa nakaririnig. Siyang naghahasik ng mga binhi ng pagtatalo at pag-aalitan ay umaani sa sarili niyang kaluluwa ng nakamamatay na bunga. Napakamiserable ang kalagayan ng naghahatid ng tsismis, ng nagsasabi ng kasamaan! Hindi niya nababatid ang tunay na kasiyahan. . . . Ang kasalanan ng pagsasalita ng masama ay nagsisimula sa pagkakaroon ng mga masasamang kaisipan. . . . Ang bawat masamang kaisipanay dapat maitaboy. KDB 113.5

Humayo ka sa iyong silid, tagasunod ni Cristo. Manalangin sa panananampalataya at buong puso. Nagbabantay si Satanas upang siluin ang iyong mga paa. Kailangan mo ang tulong mula sa kaitaasan kung nais mong takasan ang kanyang mga pakana.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 176, 177. KDB 113.6