Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

107/376

Kunin Mo ang Karunungan, Abril 13

Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa. Kawikaan 4:7. KDB 112.1

Hindi binabalewala ng tunay na edukasyon ang kahalagahan ng siyentipikong karunungan o pampanitikang kagalingan; ngunit higit kaysa impormasyon ay pinahahalagahan nito ang kapangyarihan; higit kaysa kapangyarihan, kabutihan; higit kaysa intelektuwal na kagalingan, karakter. Higit na kailangan ng sanlibutan ang mga taong may marangal na karakter kaysa sa mga taong may dakilang karunungan. Kailangan nito ang mga taong kinokontrol ang kakayanan sa pamamagitan ng matibay na prinsipyo. . . . Pinakamahalagang gawaing ipinagkatiwala sa mga tao ang paghubog ng karakter; at walang ibang panahon na higit na mahalaga ang masikap na pag- aaral nito kaysa sa ngayon. Hindi pa tinawagan ang anumang naunang salinlahi upang kaharapin ang mga napakahalagang usapin; hindi pa rati naharap ang mga kabataang lalaki at babae sa mga napakatinding kapahamakan na katulad ng kinahaharap nila ngayon.— EDUCATION, p. 225. KDB 112.2

Mga mag-aaral, gawin ninyong sakdal hangga't maaari ang inyong buhay- pag-aaral. Minsan lamang kayo dadaan sa landas na ito, at napakahalaga ng mga pagkakataong naibigay sa inyo. Hindi lamang kayo dapat na matuto kundi sanayin ang mga aral ni Cristo. Habang nagkakamit ng inyong edukasyon, mayroon kayong pagkakataong ihayag ang mga kamangha-manghang katotohanan ng Salita ng Diyos. Pagbutihin ninyo ang bawat ganitong pagkakataon. Pagpapalain ng Diyos ang bawat minutong ginugol sa ganitong paraan. KDB 112.3

Panatilihin ang inyong kapayakan at ang inyong pagmamahal para sa mga kaluluwa, at pangungunahan kayo ng Panginoon sa mga ligtas na landas. Higit na magiging mahalaga sa inyo kaysa sa ginto o pilak o mahahalagang hiyas ang mayamang karanasang inyong makakamit. KDB 112.4

Hindi ninyo nalalaman kung anong posisyon kayo matatawagan sa hinaharap. Maaari kayong gamitin ng Diyos katulad ng Kanyang paggamit kay Daniel, upang dalhin ang kaalaman ng katotohanan sa mga makapangyarihan ng lupa. Kayo ang makapagsasabi kung magkakaroon kayo ng kakayanan at karunungan upang gampanan ang gawaing ito. Mabibigyan kayo ng Diyos ng kagalingan sa lahat ng inyong pag-aaral.— Counsels to Parents, Teachers, and Students, pp. 554, 555. KDB 112.5