Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Huwag Kalimutan ang Aking Kautusan, Abril 10
Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan, kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan; sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay. Kawikaan 3:1, 2. KDB 109.1
Walang taong wastong makapaglalahad ng kautusan ng Diyos na walang ebanghelyo, o ebanghelyo na walang kautusan. Ang kautusan ay ang ebanghelyong nakapaloob, at ang ebanghelyo ay ang kautusang inilahad. Ang kautusan ang ugat, ang ebanghelyo ang mabangong bulaklak at bunga na taglay nito.— Christ’s object Lessons, p. 128. KDB 109.2
Sa maraming mga may karamdaman na nakatanggap ng pagpapagaling, sinabi ni Cristo, “Huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama.” Sa ganito itinuro Niya na ang karamdaman ay bunga ng paglabag sa mga utos ng Diyos, sa parehong natural at espirituwal. Hindi magbabangon ang napakalaking paghihirap sa mundo kung nabuhay lamang ang mga tao na kaayon sa panukala ng Maylalang.— The Desire of Ages, p. 824. KDB 109.3
Sa pamamagitan ng pagsuway sa Diyos, nawala ni Adan at Eva ang Eden, at isinumpa ang buong lupa dahil sa kasalanan. Ngunit kung sumunod lamang ang bayan ng Diyos sa Kanyang mga tagubilin, maibabalik sa kasaganahan at kagandahan ang kanilang lupa. Ang Diyos mismo ang nagbigay sa kanila ng mga tagubilin tungkol sa pangangalaga sa lupa, at dapat silang makipagtulungan sa Kanya sa pagsasauli nito. Sa gayon, magiging halimbawa ng espirituwal na katotohanan ang buong kalupaan na nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Kung paanong ang pagsunod sa Kanyang mga batas ng kalikasan ay maglalabas ang lupa ng mga kayamanan nito, gayon din sa pagsunod sa Kanyang mga kautusang moral mailalarawan ang mga kagandahan ng Kanyang karakter sa mga puso ng mga tao. Maging ang mga pagano ay makikilala ang higit na kalamangan nilang naglilingkod at sumasamba sa buhay na Diyos.— Christ’s object Lessons, p. 289. KDB 109.4
Tanging sa pagtanggap lamang sa kabutihan at biyaya ni Cristo na masusunod natin ang kautusan. Ang paniniwala sa kabayaran para sa kasalanan ang magpapangyari sa nagkasalang tao na ibigin ang Diyos nang buong puso niya, at kanyang kapwa na tulad ng kanyang sarili.— Ibid., p. 378. KDB 109.5