Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Sambahin ang Diyos, Abril 9
Purihin ninyo ang PANGINOON nating Diyos, at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok; sapagkat ang PANGINOON nating Diyos ay banal! Awit 99:9. KDB 108.1
Hindi sa pamamagitan ng paghahanap ng banal na bundok o sagradong templo na ang mga tao'y nadadala sa pakikipag-isa sa kalangitan. Hindi limitado sa mga panlabas na anyo at seremonya ang relihiyon. Ang tanging relihiyon na magdadala sa atin sa Diyos ay ang relihiyong nagmumula sa Diyos. Upang mapaglingkuran Siya nang tama, kailangan nating maipanganak sa pamamagitan ng banal na Espiritu. Dadalisayin nito ang puso at mapaninibago ang pag-iisip, na magbibigay sa atin ng bagong kakayahang makilala at ibigin ang Diyos. Bibigyan tayo nito ng kahandaang sumunod sa lahat ng Kanyang hinihingi. Ito ang tunay na pagsamba. Ito ay bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu. Nabubuo ang bawat tapat na panalangin sa pamamagitan ng Espiritu, at katanggap-tanggap sa Diyos ang ganitong panalangin. Saanmang ang isang kaluluwa ay umaabot sa Diyos, doon ay makikita ang paggawa ng Espiritu, at ihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa kaluluwang iyon. Sapagkat mga gayong uri ng mananamba ang hinahanap Niya. Naghihintay Siya upang tanggapin sila, at gawin silang Kanyang mga anak na lalaki at babae.— The Desire of Ages, p. 189. KDB 108.2
Dapat na maging banal at mahahalagang pagkakataon ang ating mga pagpupulong para sa pagsamba. . . . Hindi dapat pahintulutang makapasok ang anumang bagay na nagtataglay ng impluwensiyang hindi maka-Cristiano at espiritung hindi mapagmahal; sapagkat hindi ba nagtitipon tayo upang humingi ng habag at kapatawaran mula sa Panginoon? At malinaw na sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo. . . .” Sinong makatatayo sa harapan ng Diyos, at makapaghahayag ng walang- kamaliang karakter, isang buhay na walang kapintasan? . . . KDB 108.3
Kailangang gawing labis na kawili-wili ang ating mga pagpupulong. Dapat silang puno ng pinaka-impluwensiya ng kalangitan. Hindi dapat magkaroon ng mga mahahaba at nakaaantok na mga pananalita at mga panalanging pormal, na para lamang magpalipas ng oras. Dapat na handa ang lahat na gampanan ang kanilang bahagi, at kapag natapos na ang kanilang tungkulin, dapat ng isara ang pagpupulong. . . . Ito'y paghahandog sa Diyos ng pagsambang katanggap- tanggap.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 607-609. KDB 108.4