Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

101/376

Magsitigil at Kilalanin, Abril 7

Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos. Ako'y mamumuno sa mga bansa, ako'y mamumuno sa lupa. Awit 46:10. KDB 106.1

Sa buhay na lubos na nakatalaga para sa kabutihan ng kanyang kapwa, natagpuan ng Tagapagligtas na kailangang bumaling mula sa walang-tigil na kaabalahan at pakikipag-ugnay sa mga pangangailangan ng tao, na hanapin ang pag-iisa at hindi nagagambalang pakikipag-ugnayan sa Kanyang Ama. Sa pag-alis ng nagkakatipong karamihan na sumusunod sa Kanya, nagtungo Siya sa mga kabundukan, at doon, kasama ng Diyos, ibinuhos Niya ang Kanyang kaluluwa sa pananalangin para sa mga aba at makasalanang ito. . . . Kailangan ng lahat ng nasa ilalim ng pagsasanay ng Diyos ang tahimik na oras para sa komunyon sa sarili nilang mga puso, sa kalikasan, at sa Diyos. Maihahayag sa kanila ang isang buhay na hindi kasundo ng sanlibutan, sa mga gawi nito, o sa mga gawain nito; at kailangan nilang magkaroon ng personal na karanasan sa pagkamit ng kaalaman ng kalooban ng Diyos. Kailangang marinig natin Siyang nangungusap sa puso ng bawat isa sa atin. KDB 106.2

Kapag napatahimik ang bawat ibang tinig, at sa katahimikan tayo'y maghihintay sa Kanya, ginagawang higit na malinaw ng katahimikan ng kaluluwa ang tinig ng Diyos. Inuutusan Niya tayong, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.” Ito ang mabisang paghahanda para sa lahat ng paglilingkod sa Diyos. Sa gitna ng nagmamadaling karamihan at ng kapaguran ng masisidhing pagsusumikap ng buhay, mapalilibutan ng kaliwanagan at kapayapaan siyang nagiginhawahan sa ganitong paraan. Tatanggap siya ng panibagong kaloob ng kalakasang pisikal at mental. Lalabas sa kanyang bibig ang halimuyak at ihahayag niya ang banal na kapangyarihan na aantig sa puso ng mga tao.— The Ministry of Healing, p. 58. KDB 106.3

Nagsasalita ang Diyos sa gitna ng nakababaliw na pagmamadaling ito. Tinatawagan Niya tayong humiwalay at makipag-isa sa Kanya. . . . Hindi isang panandaliang pagtigil sa Kanyang presensya, kundi personal na pakikipag-ugnayan kay Cristo, upang umupong kasama Siya—ito ang kailangan natin.— EDUCATION, pp. 260, 261. KDB 106.4