Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

99/376

Pumarito, Aking Tuturuan Kayo, Abril 5

Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako, ang takot sa PANGINOON ay ituturo ko sa inyo. Awit 34:11. KDB 104.1

Pinagliliwanag ng Banal na Espiritu ang ating kadiliman, binibigyang kaalaman ang ating kamangmangan, at inuunawa at tinutulungan tayo sa marami nating pangangailangan. Ngunit kailangang hinahanap palagi ng pag-iisip ang Diyos. Kung pababayaang makapasok ang panlalamig at pagiging makamundo, hindi tayo magkakaroon ng pusong may hilig sa pananalangin, walang lakas ng loob na tumingin sa Kanya na Siyang bukal ng lakas at karunungan. Kung gayon, manalangin kayong palagi, mga minamahal na kapatid, “na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan.” Ilapit ninyo ang inyong mga kahilingan sa luklukan ng biyaya, at magtiwala sa Diyos sa bawat oras at sandali. Pamamahalaan ng paglilingkod kay Cristo ang lahat ng inyong ugnayan sa inyong kapwa-tao, at gagawing mabunga ang inyong buhay sa mabubuting gawa. KDB 104.2

Huwag isipin ninuman na kasang-ayon sa Espiritu ni Cristo ang pagka- makasarili, pagpapahalaga sa sarili, at pagpapalayaw-sa-sarili. Sa bawat tunay na nahikayat na lalaki o babae ay may tungkuling iniaatang na hindi natin mabibigyan ng tamang pagtantiya. Hindi dapat tanggapin ng mga anak na lalaki at babae ng makalangit na Hari ang mga kasabihan at gawi ng sanlibutan. . . . KDB 104.3

Ang mahirap na pakikipagpunyagi laban sa sarili, para sa kabanalan at Langit, ay isang habang-buhay na pakikipagpunyagi. Walang paglaya sa digmaang ito; ang pagsisikap ay dapat tuloy-tuloy at may pagtitiyaga. Dapat na pagsumikapan ang katapatang Cristiano na may lakas na hindi magagapi, at mapanatili na may layuning matibay ang pagkakatalaga. Nailalahad at napalalakas ang tunay na relihiyosong karanasan. Likas na bunga ng buhay na ugnayan sa Diyos ang patuloy na pagsulong, lumalagong karunungan, at kapangyarihan sa Salita ng Diyos. Ang liwanag ng banal na pag-ibig ay liliwanag nang liliwanag hanggang sa ganap na umaga.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 410-413. KDB 104.4