Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

98/376

Pasanin Ninyo ang Aking Pamatok-Ito'y Madaling Dalhin, Abril 4

Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan. Mateo 11:28-30. KDB 103.1

Silang may kaugnayan kay Cristo ay may palagiang kapahingahan at kapayapaan. Kung gayon, bakit tayo lumalakad na mag-isa, na hinahamak ang Kanyang pakikisama? Bakit hindi natin Siya isinasama sa ating pagmumuni-muni? Bakit hindi tayo lumalapit sa Kanya sa lahat ng ating mga suliranin, at mapatunayan ang kalakasan ng Kanyang mga pangako?—Testimonies for the Church, vol. 5, p. 410. KDB 103.2

Minamasdan ni Jesus ang mga nababalisa at may pusong nabibigatan, silang nawasak ang pag-asa, at silang nagsisikap na patahimikin ang pananabik ng kanilang kaluluwa gamit ang mga makalupang kasiyahan, at inanyayahan Niya ang lahat na makatagpo ng kapahingahan sa Kanya. Malumanay Niyang tinawagan ang mga taong nagpapagal, “Pasanin ninyo ang aking pamatok. . . .” Sa mga salitang ito, nangungusap si Cristo sa bawat tao. Nababatid man nila ito o hindi, ang lahat ay nanlulupaypay at lubhang nabibigatan. Nahihirapan ang lahat sa mga pasaning tanging si Cristo lamang ang makapag-aalis. Ang pasanin ng kasalanan ang pinakamabigat na pasanin na ating tinataglay. Kung pababayaan tayong dalhin ang pasaning ito, dudurugin tayo nito. Ngunit kinuha ng Isa na hindi nagkasala ang ating lugar. “Ipinasan sa kanya ng Panginoon ang lahat nating kasamaan.” KDB 103.3

Kanyang pinasan ang ating pagkakasala. Kukunin Niya ang pasan mula sa ating mga balikat. Bibigyan Niya tayo ng kapahingahan. Kanya ring papasanin ang pag-aalala at kalungkutan. Inaanyayahan Niya tayong ilagak sa Kanya ang lahat ng ating kabalisahan; dahil dala-dala Niya tayo sa Kanyang puso. KDB 103.4

Nasa walang-hanggang trono ang Nakatatandang Kapatid ng ating lahi. Tinitingnan Niya ang bawat kaluluwang bumabaling sa Kanya bilang Tagapagligtas. . . . Binabantayan ka Niya, nangangambang anak ng Diyos. Natutukso ka ba? Ililigtas ka Niya. Mahina ka ba? Palalakasin ka Niya. Kulang ka ba sa karunungan? Bibigyang kaliwanagan ka Niya.— The Ministry of Healing, p. 71. KDB 103.5