Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Pumarito Kayo, Tayo'y Mangatuwiran sa Isa't Isa, Abril 3
Pumarito kayo ngayon, at tayo'y mangatuwiran sa isa't isa, sabi ng PANGINOON: bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito'y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito'y mapulang-mapula, ang mga ito'y magiging parang balahibo ng tupa. Isaias 1:18. KDB 102.1
Narito ang mga pangako, payak at tiyak, masagana at ganap; ngunit lahat ay may kondisyon. Kung susundin mo ang mga kondisyon, hindi mo ba mapagkakatiwalaan ang Diyos na gaganapin ang Kanyang salita? Ilagak mo ang mga mapagpalang pangakong ito, na nakalatag sa balangkas ng pananampalataya, sa mga bulwagan ng alaala. Walang mabibigo ni isa sa kanila. Gagawin ng Diyos ang lahat ng Kanyang sinalita. “Siya na nangako ay tapat.” . . . KDB 102.2
Tatanggapin ng Panginoon ang makasalanan kung magsisisi siya at tatalikuran ang kanyang mga kasalanan upang makagawa ang Diyos sa kanyang pagsisikap sa paghahangad para sa kasakdalan ng karakter. Hindi oo at hindi ang mga pangako, ngunit kapag tumupad ang tao sa mga kondisyon, sila'y na kay Cristo, “Oo. Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang Amen, sa ikaluluwalhati ng Diyos.” Ang buong layunin ng Diyos sa pagbibigay ng Kanyang Anak para sa mga kasalanan ng sanlibutan ay upang mailigtas ang tao, hindi habang nasa kanyang kasalanan at kawalan ng katuwiran, kundi sa pagtalikod sa kasalanan, paghuhugas ng mga kasuotan ng kanyang karakter, at ginagawang puti ang mga ito sa dugo ng Kordero. Nagnanais Siyang alisin sa tao ang karumaldumal na bagay na Kanyang kinamumuhian; ngunit kinakailangang makipagtulungan ang tao sa Diyos sa gawaing ito. Dapat na isuko at kamuhian ang kasalanan at tanggapin ang katuwiran ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa gayon, makikipagtulungan ang Diyos sa tao. KDB 102.3
Kailangan nating mag-ingat na hindi mabigyang-puwang ang pag-aalinlangan at kawalang-paniniwala, at dumaing sa Diyos sa ating saloobin ng kawalang pag-asa, at makapagbigay ng di-tamang paglalarawan ng Diyos sa sanlibutan. Paglalagay ito ng ating sarili sa panig ni Satanas.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 630-632. KDB 102.4