Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Makikilala Natin Siya, Enero 7
At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan. 1 Juan 5:20. KDB 13.1
Hindi kailanman hiniling ng Diyos na tayo'y maniwala na hindi nagbibigay ng sapat na patunay para pagbatayan ng ating pananampalataya. Ang Kanyang pag-iral, Kanyang karakter, ang pagiging makatotohanan ng Kanyang Salita, ang lahat ay naitatag sa mga patotoo na mauunawaan ng ating pag-iisip; at ang mga patotoong ito ay sagana. Ngunit hindi kailanman inalis ng Diyos ang posibilidad ng pagdududa. Ang ating pananampalataya ay dapat na nakabatay sa ebidensya, hindi sa pagpapakita. Yaong mga nagnanais magduda ay mayroong pagkakataon; habang yaong mga nagnanais na makaalam ng katotohanan, ay makatatagpo ng maraming patunay na mapagbabatayan ng kanilang pananampalataya.—Steps to Christ, p. 105. KDB 13.2
Inilalahad ng Biblia ang katotohanan nang simple at talagang nababagay sa mga pangangailangan at pananabik ng puso ng mga tao, na nagpahanga at umakit sa may pinakamataas na mabubuting isipan, habang tinutulungan ang mga hamak at walang pinag-aralan na maunawaan ang daan ng kaligtasan. Gayunman ang mga simpleng naihayag na mga katotohanang ito ay sumasakop sa mga bagay na matataas, malayo ang nararating, at malayo sa kayang abutin ng kapangyarihan ng pagkaunawa ng tao, na atin lamang itong matatanggap dahil ipinahayag ng Diyos ang mga ito. Sa gayon ang plano ng kaligtasan ay inilahad na bukas sa atin, upang ang lahat ng kaluluwa ay makita ang mga hakbang na kanyang daraanan sa pagsisisi sa ating Diyos, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo, para maligtas sa paraang itinalaga ng Diyos; subalit sa ilalim ng mga katotohanang ito, na madaling maintindihan, ay may mga hiwaga na kinatataguan ng Kanyang kaluwalhatian—mga hiwagang hindi kaya ng isipang saliksikin ito, gayunman ay nagpapasigla sa mga tapat na naghahanap para sa katotohanan na may paggalang at pananampalataya. Habang higit pa niyang sinasaliksik ang Biblia, ay lalong lumalalim ang paniniwala na ito ang Salita ng buhay na Diyos, at ang karunungan ng tao ay yumuyukod sa harapan ng karingalan ng pahayag ng Diyos.— Ibid., pp. 107, 108. KDB 13.3