Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Pumarito, Magsibili, Magsikain Nang Walang Bayad, Abril 2
O lahat ng nauuhaw, pumarito kayo sa tubig at siyang walang salapi, pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain! Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas ng walang salapi at walang halaga. Isaias 55:1. KDB 101.1
Tapat ba si Jesus? Ginagawa ba Niya ang Kanyang sinasabi? Sagutin nang may katiyakan, Oo, bawat salita. At kapag pinaniniwalaan mo ito, angkinin mo ang bawat pangakong ginawa Niya sa pamamagitan ng pananampalataya, at tanggapin ang pagpapala; sapagkat nagbibigay-buhay sa kaluluwa ang pagtanggap na ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Maaari kang maniwala na tapat sa iyo si Jesus, bagaman pakiramdam mo'y ikaw ang pinakamahina at pinakahindi karapat-dapat sa Kanyang mga anak. At habang nananampalataya ka, itatapon pabalik ang lahat ng iyong madilim, mapanglaw na pag-aalinlangan sa pinuno ng mga manlilinlang, na siyang nagpasimula ng mga ito. . . . Magtiwala ka sa Kanya sa pamamagitan ng buhay na pananampalataya, bagaman malakas ang udyok sa iyong kalooban na mangusap ng kawalan ng pagtitiwala.— Testimonies to Ministers and Gospel Workers, p. 517. KDB 101.2
Sagisag ng banal na biyaya na si Cristo lamang ang makapagbibigay ng nakapagpapasariwang tubig na bumubukal sa tuyo at tigang na lupain, na nagsasanhi upang mamulaklak ang ilang at umagos upang bigyang buhay ang malapit ng pumanaw. Katulad ng tubig ng buhay ang biyayang ito na dumadalisay, nagpapasigla at nakapagpapalakas sa kaluluwa. Nananatili sa kalooban ng taong pinananahanan ni Cristo ang hindi nauubos na bukal ng biyaya at kalakasan. Pinasisigla ni Jesus ang buhay at pinagliliwanag ang daan ng lahat ng tapat na nagsusumikap para sa Kanya. Bubukal sa mabubuting gawa tungo sa buhay na walang hanggan ang Kanyang pag-ibig na tinanggap sa puso. At hindi lamang nito pagpapalain ang kaluluwa kung saan ito bumubukal, kundi aagos ang nabubuhay na batis sa mga salita at gawa ng katuwiran, upang panariwain ang mga nauuhaw sa kanyang kapaligiran.— Patriarchs and Prophets, p. 412. KDB 101.3
Kung paanong ang patuloy na pagtanggap ng sustansya sa katawan na nagpapanatili ng buhay at lakas, gayundin na kinakailangang patuloy na nakikipag-ugnayan kay Cristo ang kaluluwa, na nagpapasakop sa Kanya, at nagtitiwala nang ganap sa Kanya.— Thoughts from the Mount of Blessing, p. 19. KDB 101.4