Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

95/376

Mayroon Akong Payo, Abril 1

Mayroon akong payo at magaling na karunungan ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan. Kawikaan 8:14. KDB 100.1

Dumating si Jesus upang katawanin ang karakter ng Ama, at isinugo Niya ang Kanyang mga alagad sa sanlibutan upang katawanin ang karakter ni Cristo; ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita upang ituro ang daan ng buhay, at hindi Niya tayo pinabayaan na dalhin ang Salitang iyon nang mag- isa, kundi ipinangako Niya rin na bibigyan ito ng kahusayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kailangan pa bang lumakad ang sinuman sa kawalang-katiyakan, na namamanglaw na hindi nila nauunawaan at nararanasan ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso? Nagugutom ka ba at nauuhaw para sa pagtuturo sa katuwiran? Kung gayo'y nasa iyo ang tiyak na pangako na mapupuno ka. . . . KDB 100.2

Nais ng Panginoon na ating taglayin ang espiritu ng makalangit na karunungan. Lahat ba tayo'y inuudyukan na manalangin sa Panginoon nang taimtim at may pagpapakumbaba sang-ayon sa ating kinakailangan, na hinihingi sa Kanya ang espiritu ng karunungan? Nananalangin ba tayo na nagsasabing, “Ipakita Mo sa akin ang mga lihim na hindi ko nababatid, turuan Mo ako”? Nawa'y masambit ng mga tapat na labi ang tapat at mapagpakumbabang panalangin na nagsusumamo para sa payong nagmumula sa Diyos!— Testimonies to Ministers and Gospel Workers, pp. 199, 200. KDB 100.3

Lumapit ang mga alagad kay Jesus at sinabi sa Kanya ang lahat ng bagay. Hinimok sila ng kanilang matalik na ugnayan sa Kanya na ilagak sa Kanyang harapan ang kanilang mabubuti at hindi mabubuting karanasan, ang kanilang kasiyahan sa pagtingin sa mga bunga ng kanilang pagsisikap, at sa kanilang kalungkutan sa kanilang mga kabiguan, mga kapintasan, at mga kahinaan.— The Desire of Ages, p. 359. KDB 100.4