Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang mga Pangako ng Diyos Ay May Kondisyon ng Pagsunod, Marso 29
Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo. Juan 15:7. KDB 96.1
Ang lahat ng Kanyang kaloob ay ipinangako sa kondisyon ng pagsunod. Ang Diyos ay may langit na puno ng mga pagpapala para roon sa mga makikipagtulungan sa Kanya. Ang lahat ng sumusunod sa Kanya ay maaaring umangking may kasiguruhan sa katuparan ng Kanyang mga pangako. Ngunit kailangan nating magpakita ng matatag, hindi nagbabagong tiwala sa Diyos. Madalas na ipinagpapaliban Niya ang pagtugon sa atin, upang subukin ang ating pananampalataya o subukin ang pagiging totoo ng ating pagnanasa. Matapos humingi ayon sa Kanyang salita, dapat tayong maniwala sa Kanyang pangako at idiin ang ating mga kahilingan na may determinasyong hindi matatanggihan. KDB 96.2
Hindi sinasabi ng Diyos, Humingi nang minsan, at ikaw ay tatanggap. Sinasabihan Niya tayong humingi. Walang-pagod na magpatuloy sa pananalangin. Ang matiyagang paghingi ay nagdadala sa humihingi sa isang masikap na pag- uugali, at nagbibigay sa kanya ng dagdag na pagnanais matanggap ang mga bagay na kanyang hinihingi. Sinabi ni Cristo kay Marta roon sa libingan ni Lazaro, “kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos.” Ngunit marami ang mayroong walang buhay na pananampalataya. Ito ang dahilan kung bakit hindi sila nakakikita ng higit sa kapangyarihan ng Diyos. Ang kanilang kahinaan ay resulta ng kanilang kawalang-paniniwala. Mayroon silang higit na pananampalataya sa kanilang paggawa kaysa paggawa ng Diyos para sa kanila. Inilalagay ang kanilang sarili sa sariling pag-iingat. Sila'y nagpaplano at bumubuo, ngunit nananalangin nang kakaunti, at may kakaunting tunay na pagtitiwala sa Diyos. Iniisip nilang sila'y may pananampalataya, ngunit iyon ay bugso lamang ng pagkakataon. Bigong makita ang kanilang sariling pangangailangan, o ang kagustuhan ng Diyos na magbigay, hindi sila nagsisikap na dalhin ang kanilang kahilingan sa harapan ng Panginoon. KDB 96.3
Ang ating mga panalangin ay kailangang marubdob at masigasig gaya ng paghingi ng isang nangangailangang kaibigan na humingi ng tinapay nang hatinggabi. Kung tayo'y higit na marubdob at masigasig na humihingi, mas magiging malapit ang ating espirituwal na pakikipagkaisa kay Cristo.— Christ’s Object Lessons, pp. 145, 146. KDB 96.4