Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

90/376

Dapat Tayong Maniwala, Marso 28

At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin. Mateo 21:22. KDB 95.1

Siyang nagpala sa pinuno sa Capernaum ay gayon din ang pagnanais na tayo'y pagpalain. Ngunit gaya ng amang nagdurusa, madalas na tayo'y pinangungunahan ng ilang pagnanasa para sa ilang makasanlibutang bagay sa ating paglapit kay Jesus; at sa pagkakaloob ng ating hiningi ay nagkakaroon tayo ng kompiyansa sa Kanyang pag-ibig. Nagnanais ang Tagapagligtas na magkaloob ng higit pang pagpapala kaysa ating hiningi; at Kanyang ipinagpapaliban ang sagot sa ating hiningi upang maipakita sa atin ang kasamaan ng ating mga puso, at ang malalim na pangangailangan natin ng Kanyang biyaya. Nais Niyang ating talikuran ang pagiging makasarili na nagtutulak sa ating lumapit sa Kanya. Sa pagpapahayag ng ating kawalang-kaya at mapait na pangangailangan, ipagkatiwala natin ang ating buong sarili sa Kanyang pag-ibig. Yaong pinuno ay nagnais na matupad ang kanyang panalangin bago siya maniwala; ngunit kailangan niyang tanggapin ang salita ni Jesus, na ang kanyang hiling ay narinig, at ang pagpapala ay naipagkaloob. Ang aral na ito'y kailangan din nating matutunan. Hindi dahil ating nakikita o nararamdaman na naririnig tayo ng Diyos, ay maniniwala tayo. Kailangan nating magtiwala sa Kanyang mga pangako. Kapag sa pananampalataya ay lumapit tayo sa Kanya, ang lahat ng kahilingan ay pumapasok sa puso ng Diyos. Kung tayo'y humiling ng Kanyang pagpapala, dapat tayong maniwala na atin itong tinanggap, at pasalamatan Siyang tinanggap natin ito. Pagkatapos ay gagawin natin ang ating mga tungkulin, taglay ang kasiguruhan na ang pagpapala ay ating makikita sa panahong higit natin itong kailangan. Kapag natutunan natin itong gawin, ating malalaman na ang ating mga panalangin ay tinugon.— The Desire of Ages, p. 200. KDB 95.2

Huwag malito sa pananampalataya at pakiramdam. Ito ay magkaiba. Ang pananampalataya ay para sa atin upang gamitin. Ang pananampalatayang ito ay dapat ginagamit natin lagi. Maniwala, maniwala. Panghawakan ng iyong pananampalataya ang pagpapala, at ito'y sa iyo. Ang iyong pakiramdam ay walang kinalaman sa iyong pananampalataya. Kapag ang pananampalataya ay nagdala ng pagpapala sa iyong puso, at nagdiwang ka sa pagpapala, hindi na ito pananampalataya, sa halip ay pakiramdam.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 167. KDB 95.3